Advertisers
ODIONGAN, ROMBLON – WALANG tiwala ang mga Filipino sa ilalabas na bakuna ng China. Batay sa pinakahuling survey noong Nobyembre, anim sa sampung tao ang nagpahayag na hindi sila handa na magpaturok ng bakuna na gawa at galing China. Inaasahan na tataas ang bilang ng umaaayaw sa bakuna na galing China sa susunod na opinion poll dahil sa mga lumalabas na balita tungkol sa masamang epekto sa mga taong sumasailalim ng clinical trial.
Itinigil ang clinical trial ng bakuna ng Sinovac, isang pharmaceutical firm ng China, sa Peru, isang bansa sa Timog Amerika, dahil nagkaroon ng masamang epekto sa nervous system ng dalawang tao na kasama sa clinical test. Itinigil din sa Brazil ang naunang clinical trial ng Sinovac nang mamatay ang hindi sinasabing bilang ng mga tao.
Ipinahiwatig ni Vaccine Czar Carlito Galvez na ang bakuna mula China ang ipinapanukalang unang bakuna na gagamitin sa Filipinas. May planong umangkat ng 25-50 milyon doses ng bakuna para sa 2021. May mga umaangal sa Sinovac sapagkat isa ito sa pinakamahal na bakuna. Maaaring abutin ng $50 (P2,500) ang bawat dosage.
Nagkasundo ang mga kinatawan ng dalawang sangay ng Kongreso sa bicameral conference committee na maglaan ng P72.5 bilyon para sa bakuna sa panukalang pambansang budget na P4.51 trilyon para sa 2021. Ngunit P70 bilyon sa naturang halaga ay bahagi ng unprogrammed allocation. Magagamit ang halaga kung dumaloy ang koleksyon ng buwis o makapangutang sa ibang bansa. Iba ang programmed budget.
Inihambing ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panukalang budget sa bakuna sa isang tseke na na-isyu ngunit walang pondo. Sapagkat walang pondo, natural na tumalbog ito, ani Drilon. Kaya hindi sigurado kung matutuloy ang programang libreng bakuna ng gobyerno ni Rodrigo Duterte. Nakabitin pa ito.
Mas lalong nanganganib ang programa sapagkat kumakalat ang mga ulat tungkol sa masamang epekto ng bakuna na gawa at galing China. May namumuong kilusang boykot laban sa bakuna ng Sinovac. Bagaman walang lumalantad na lider, patuloy na bumabalong ang kilusan sa social media. Maaaring umapoy ang kilusan na walang ipinagkaiba sa nakalipas na kilusang boykot.
Itinuturing ni Duterte na ang pagtuturok ng bakuna galing China ang solusyon sa pandemya. Sa mga nakalipas na “proof of life” TV appearance tuwing Lunes, binanggit ni Duterte ng ilang beses na ang programa sa bakuna ang magsasalba sa Filipino mula sa lupit ng hagupit ng pandemya ng coronavirus na sinabing dinala ng mga turistang Intsik sa bansa.
Malaki ang problema ng gobyerno ni Duterte, gobyerno ng China, at Sinovac dahil sa kawalan ng tiwala ng mga sambayanang Filipino sa China na pinaniniwalaan na isang bansa na walang paggalang sa mga batas at tratado tungkol sa maayos na kalakalan. Pinaniniwalaan ang China bilang pinagmumulan ng mga pekeng kalakal. Hindi ito sumusunod sa mga batas sa copyright at patente.
Kailangan gumawa ng isang agresibong PR campaign ang Sinovac at Chinese government upang matanggap ng mga Filipino ang bakuna. Isang malaking palaisipan kung mapipigil nila ang hindi mapipigil na kampanya na iboykot ang bakuna ng Intsik.
May mga alternatibo naman sa bakuna ng Intsik. Nandiyan ang mga bakuna na gawa sa mga bansang Kanluran. Ngunit malaking problema si Duterte. Kilala siyang lumalabag sa karapatang pantao; walang balak ang mga ito na bigyan ang Filipinas ng bakuna kahit lumuhod pa siya na mistulang aso. Basa ang kanyang papel sa mga bansang ito.
May mungkahi na subukan ni Galvez ang bakuna mula India, ngunit hindi batid kung totoong mabisa ang bakuna na gawa ng The Serum Institute, ang pinakamalaking tagagawa ng bakuna sa mundo. Hindi rin alam kung kakausapin ng India ang Filipinas upang bahaginan tayo ng kanilang bakuna. Maaaring malamig ang India sapagkat kilala si Duterte (hindi ang Filipinas) bilang masugid na kaalyado ng China.
Ano ang ginagawa ni Ramon “Dondon” Bagatsing Jr., ang kasalukuyang sugo ng Filipinas sa India? Kayang-kaya ni Dondon Bagatsing na kumbinsihin ang India na bigyan tayo ng bakuna. Hindi tayo dapat umasa sa bakuna na galing at gawa sa China. Walang maaasahan sa bakuna ng Intsik na itinatakwil ng mga Filipino kahit hindi pa ito lumalabas sa merkado.
***
MINSAN na kaming nagsulat tungkol sa hindi kanais-nais na reputasyon (kung mayroon man) ng isang netizen na nagngangalang Enzo Recto. Hindi siya nangimi humingi ng donasyon sa mga netizen na kontra kay Duterte. Ginamit ang pangkat ng mga biyuda, matatandang dalaga, at mga babaeng lito at hilo sa hiwaga ng buhay. Ngunit nang tanungin tungkol sa kanyang raket, takot na takot na lumantad upang magbigay ng anumang paliwanag. Nagtago sa dilim at ilalim ng saya ng mga kababaihan.
Kinuwestiyon namin ang pangangalap ng donasyon ng grupo ni Enzo Recto noong unang bahagi ng taon o bago ang paggunita ng Himagsikan sa EDSA noong Pebrero. Hindi personal na nagbigay ng paliwanag si Enzo Recto. Tanging ang kanyang mga kasapakat ang nagpaliwanag. Tanging sa Radio Veritas lamang sila nagpaliwanag.
Plano ng grupo ni Enzo Recto na palabasin si Bise Presidente Leni Robredo, mamuno sa isang malaking rally na mauuwi sa isang insureksyon (kaya nga Enzo Recto ang ilusyon niyang nom de guerre, o pangalang pandigmaan), at sapilitang kunin ang gobyerno. Sa kanilang pagtaya (o ilusyon) may sapat na bilang ng mga mamamayan ang sumusuporta sa kanilang insureksyon. Hindi ku-magat ang Bise Presidente.
Simple ang pagtanggi ng Bise Presidente. Nagpalabas ng statement ang OVP na dumidistansiya sa paghingi ng donasyon ng kanyang grupo. Walang kinalaman ang OVP sa ginagawa ni Enzo Recto at kanyang grupo. Tumigil ang donasyon. Walang Leni Robredo na lumabas upang pamunuan ang insureksyon ng mga taong hindi malinaw ang pagkakakilanlan.
Tama si Leni. Hindi niya kailangan ang insureksyon na hindi malinaw ang katapusang laro, o endgame. Siya ang pangalawang pangulo at automatic na papalit kung may mangyari kay Duterte. Hindi niya kailangan ang mga nagmamagaling katulad ni Enzo Recto na walang habas at hiya sa pagkuha ng donasyon sa publiko. Ano ang masasabi nina E at Z, ang dalawang femi-nazi na na nabalitang kasama nina Enzo Recto dahil nakakakuha sila ng donasyon?
Hindi tumitigil si Enzo Recto na pinaniniwalaang isang dating tauhan ng mga Villafuerte sa Kabikulan. Nagpapakulo pa rin at nabalitang muling humihingi ng donasyon sa publiko. Ibinisto ang kanyang modus operandi ng mga kasama sa kilusang anti-Duterte. Hindi siya nakakakuha ng tiwala. Pansamantalang tumigil sa kasagsagan ng pandemya ang kanyang raket ngunit nandoon pa rin ang likot ng kanyang utak. Utak kriminal sa madaling salita.