Advertisers

Advertisers

‘Wag itago ang katotohanan

0 570

Advertisers

TAMA na dapat na magsaya, kasi kaarawan ng Dakilang Manunubos, ang Panginoong Jesus.

Nang isilang si Jesus, sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem, na Anak ng Diyos, bakit sa dukhang lugar pinili na siya ay ipanganak ni Maria?

May takdang misyon kasi si Kristo: ito ay ang tubusin tayo sa ating mga kasalanan, at ang bawat latay, bawat dura sa mukha, sa bawat hampas sa kanyang katawan, ang bawat tinik na bumaon sa kanyang ulo, ang bawat patak ng dugo mula sa Kanyang banal na katawan ay bayad ni Jesus sa ating mga pagsuway, at maging hanggang ngayon, Siya pa rin ang nagbabayad sa patuloy nating paggawa ng mga kasalanan.



Ang ganitong paghihirap ay naranasan kamakailan lamang ng ating mga kababayan na sinalanta ng mga bagyong Quinta, Pablo at Ulysses at hanggang ngayon ay bakas pa rin ng mga nabanggit na bagyo sa ilang mga lugar ang sobrang hirap – libo-libo ang nawalan ng mga tirahan, marami pa rin hanggang ngayon ang namamalimos, merong nakagagawa na ng labag sa batas upang mapakain ang mga mahal sa buhay na masuwerteng nakaligtas sa karit ng kamatayan.

Kailangan nila ng tulong, kaya ang malabis na pagsasaya o pagdiriwang ng Christmas Party ay hindi marapat sa panahong ito.

Ang pagsasaya sana at mamahaling regalo at salaping gagastusin sa pagdiriwang ay iambag, itulong na lamang sana nila sa mga biktima ng mga bagyong Quinta, Pablo at Ulysses – sa mga kaawa-awang kababayan sa Bicol Region, Regions 1 & 2, Central Luzon, Rizal, MIMAROPA, CALABARZON, sa Marikina at iba pang lugar na “pinatay” na ang buhay at pag-asa ng mga malupit na bagyo.

Buhay ni Jesus ang ibinigay Niya sa krus: ang ilang subo ng kanin, at ilang kurot sa masasarap na uptake (sana) ay hindi ba natin maibibigay sa mga sinalanta ng kalamidad?

***



Truth shall make us free.

Ang katotohanan ang magpapalaya sa ating lahat.

Ang mga taong takot sa katotohanan ay ‘yung nag-iimbento at gumagawa ng kasinungalingan.

Ang takot lamang ay ang mga taong may kasalanan, at gagawin nila ang lahat upang matakpan ang katotohanan.

Kasama rito ang patong-patong na hindi makatwiran kundi man ay nakatatawa o nakaiinsultong mga dahilan, na lalong nagdidiin sa kanilang kasinungalingan.

Ngunit tulad ng kasabihang, “Walang lihim na hindi nabubunyag,” ganito rin ang kasinungalingan at ang katotohanan.

Lulutang at lulutang ang totoo at mabubulgar ang hindi totoo.

Nakalimutan ng mga taong ang malaking takot sa katotohanan ay patuloy itong ibaon sa lihim at pagtakpan at itago sa bayan, kahit pa gumawa ng kasamaan at pinakamatindi ang pumatay, ang ganti ng kalikasan ay tiyak at tiyak na darating.

Karma ang tawag dito, at sa kasabihang: Kung ano ang iyong itinanim, ito rin ang iyong aanihin.

“What they forgot, or never learned to begin with, is that when you silence truth, truth has a way of thundering forth even more loudly like a blast of trumpets before the walls of tyranny,” sabi ng isang sikat na kolumnista ng isang pahayagan.

Kung pinatahimik mo ang katotohanan, hindi ito magagawa habang panahon, at ang lakas ng buwelta ng pagbalikwas ng pagkalantad ng katotohanan ay maitutulad sa pag-alingawngaw ng higit na lakas ng tunog ng trumpeta sa harap ng moog ng mga taksil.

Sabi pa nga, kapag tinakpan at binusalan ang bibig ng isang taong ang dila ay nagsisiwalat ng katotohanan, ang impit at daing niya ay maituturing na sambulat ng lahat ng pakakak upang ibulatlat sa lahat ang tinig ng katotohanan.

Maaaring ngayon, nakalibing at parang patay ang katotohanan.

Maaaring dumaan ang sampung taon o higit pang dami ng taon sa pagtatago o pagsikil sa katotohanan, pero kung pinatay man ang katotohanan, ito ay may kapangyarihang kusang mabuhay at maisigaw ang kasalanan ng mga suwail at kampon ng kasamaan.

At ang dila ng alab ng katotohanan ay patuloy na magsasalita at anoman ang kapangyarihan noon ng mga taong nabubuhay sa kasalanan at kasinungalingan ang siyang tutupok at magpapaabo sa kanilang kasamaan.

Patunay ang mga himagsikan ng mga tagapagtanggol ng katotohanan at kalayaan sa kasaysayan ng mga bansa sa mundo.

Ibinagsak ng mga makabayan at mandirigmang hukbo ng mga mamamayan ang imperyo at kaharian ng mga mapagsamantala.

Ganyan ang ganti sa mga taong mapagsamantala, mapang-api, mapagkunwari at mga taksil sa tiwala ng bayan.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.