Sa iligal na pagpasa ng P3.302-b budget para sa 2025…CABUYAO CITY COUNCIL KINASTIGO NI GOV. HERNANDEZ
Advertisers
MATAPOS ulanin ng mga puna at batikos si Mayor Dennis Felipe Hain ng Cabuyao City, Laguna dahil sa kabiguang makatanggap ng ‘Seal of Good Local Governance’ (SGLG) ng siyudad para sa taong ito, muli siyang nahaharap sa kontrobersya. Sa pagkakataong ito ay kasama na niya at nadamay ang buong city council.
Ito ay matapos maisapubliko ang liham ni Governor Ramil Hernandez para sa mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod (SP) na may petsang Oktubre 22, 2024, kungsaan kinastigo niya sila dahil sa hindi naayon sa batas na pagpasa ng P3,302,726,464 pondo ng lungsod para sa susunod na taon.
Binigyang diin ni Gov. Hernandez sa kanyang liham na hindi naayon sa Local Government Code of 1991 at iba pang umiiral na batas ang ginawa ng city council na pagpasa ng pondo, na hindi dumaaan sa tamang proseso at deliberasyon.
Ang pagkastigo ni Gov. Hernandez ay base narin sa sulat na ipinadala sa kanya ni SP Secretary Atty. Venus C. Velasco, MPAf, na naglalahad ng ilang tahasang paglabag ng konseho sa pagpasa ng nasabing pondo.
“Please be reminded that as Members of the Honorable August Body of the Sangguniang Panlungsod of the City of Cabuyao, you are mandated to comply with the provisions of the Local Government Code of 1991 relative to the Preparation of 2025 Annual Budget and its subsequent approval,” diin ni Gov. Hernandez sa kanyang liham.
Sa ulat ni SP Secretary Velasco na pinatotohanan at sinang-ayunan ni Vice Mayor Atty. Leif Laiglon A. Opiña, sinabi niya na nangyari ang puwersahang pagpasa ng budget sa regular session na ginawa October 15, 2024.
Base sa salaysay ni SP Secretary Velasco, naghain aniya ng mosyon si City Councilor Jaime Onofre Batallones na siya ring sponsor ng ordinansa para ipasa ang pondo para sa una, pangalawa at ikatlong pagbasa na inaprubahan naman ng buong konseho.
Nangyari, aniya, ang pagpasa at pag-apruba ng tinawag na “Ordinance of the Local Expenditure program (LEP) for FY 2025 in the amount of PHP 3,302,726,464”, ng walang ibinibigay na anumang kopya sa kanyang tanggapan at maging sa opisina ni Vice Mayor Opiña.
Ang pagbibigay ng kopya ng nasabing mosyon sa tanggapan ni Vice Mayor Opiña ay base narin sa itinatadhana ng batas bilang siya ang presiding officer ng Sangguniang Panglungsod.
Kaugnay nito, napag-alamang matagal na palang ginigipit ni Mayor Hain at ng buong city council si Vice
Mayor Opiña, dahil sa siya lamang sa lahat ng mga halal na opisyal sa lungsod ang hindi kapar-tido ng alkalde.
Sa kanyang liham ay pinagsabihan ni Gov. Hernandez ang mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod na pairalin ang kanilang katapatan sa paglilingkod at pagsunod sa mga inuutos ng batas.
Pagbibigay diin ni Gov. Hernandez: “I trust that our shared commitment to transparent governance will guide us in addressing this concern and fostering a collaborative legislative environment moving (forward).”
Matatandaan na una nang nagpadala ng liham si Gov. Hernandez kay Mayor Hain kaugnay ng paglabag niya sa mga umiiral na batas at patakaran kaugnay ng local expenditure program.
Ang kanyang liham ay bilang tugon din sa reklamo ni Sangguniang Panglungsod Secretary Atty. Velasco.
Maging si Vice Governor Karen Agapay ay nagpadala rin ng liham kay Hain kungsaan ay tinukoy niya ang mga paglabag nito sa alintunin ng batas kaugnay ng nasabing usapin.
Maraming netizens, kabilang na si Jose Caringal, ang kumuwestiyon din sa kanyang FB post kay Hain dahil sa aniya ay tila palihim at puwersahang pag-aapruba ng ng 2025 budget na hindi dumaan sa tamang proseso at deliberasyon.
Una nang nalagay sa kontrobersiya ang Cabuyao City matapos ito mabigong makakuha ng SGLG award na ibinibigay ng Department of Interior and (DILG) sa lahat ng pamahalaang lokal sa buong bansa na nagpapamalas ng mahusay, matino at masinop na pamama-hala.
Dahil dito ay naging tampulan ng usap-usapan si Mayor Hain sa pagiging pabaya, mahina at walang kakayahan na mamuno sa kanilang siyudad.
Sa lahat ng anim na lungsod ng Laguna ay tanging Cabuyao City ang hindi kinilala ng DILG at binigyan ng gradong pasado sa SGLG.