Advertisers

Advertisers

Covid carrier ng Cavite!

0 750

Advertisers

HINDI maganda ang papasok na Christmas Season para kay Cavite PNP Provincial Director, P/Col Marlon R. Santos.

Kung kailan nagsasaya ang sangka-kristyanuhan para sa paggunita ng kapanganakan ng Dakilang Mesiyas, ay saka naman nabuko ng mataas na pamunuan ng kapulisan ang operasyon ng COVID 19 carrier sa naturang lalawigan.

Ang tinutukoy nating COVID 19 carrier ay ang jueteng dens na kilala din sa katawagang “rebisahan” ng iligal na pasugal na jueteng na ginagamit na front ang operasyon ng Perya ng Bayan (PNB) sa napakataong Brgy. Santa Clara sa bayan ng Gen.Trias City sa nasabing Probinsya.



Isang alias John Yap ang financier ng Perya ng Bayan cum jueteng na pinamamahalaan naman ng isang alias Jun Moriones na ang mga rebisahan ay matatagpuan nga sa Brgy. Santa Clara, sa bayan ng Gen.Trias, at sa MIA Overpass sa bayan ng Silang.

Nag-ooperate din ang jueteng nina alias John Yap at alias Jun Moriones sa Cavite City, Bacoor City, Trece Martires City at mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo, Maragondon, Naic, Magallanes at iba. Kakapain natin ang iba pang mga “rebisahan” ng mga hinayupak na ilegalistang ito kung saan kinukwenta ang kabuuang taya sa kada kumbinasyon at doon din binobola ang kumbinasyong tumatama sa kanillang pajueteng.

Isang alias Konsehal Boy Lopez naman ang nagpapatakbo din ng jueteng at may “rebisahan” sa Ecotrend Subdivision, Brgy. San Nicolas, Bacoor City, Cavite.

Si alias Pogi na nag-oopisina sa Bacoor City hall ang tagapamahala sa “rebisahan” ni alias Kon. Lopez.

Gasgas ang pangalan ni Bacoor City Mayor Lani Mercado- Revilla sa kabalbalan nina alias Kon. Lopez at alias Pogi, habang nganga lang si Bacoor City Police Chief, LtCol. Christoper Guste.



Ang mga “rebisahang” ito ng jueteng ang napaka-mapanganib na lugal na magkahawahan ng nakamamatay na virus.

Milyones ang salaping naibubulsa nina alias John Yap, alias Jun Moriones, alias Konsehal Lopez at alias Pogi sa kanilang pajueteng. Halos kalahati naman nito ay isinusuka ng mga ito sa kanilang mga protektor sa PNP, Provincial at local government officials ng Cavite na obligadong lingguhan pamudmudan nina alias Jun Moriones at alias Kon, Lopez ng nakasobreng intelhencia.

Ibig sabihin sa halip na si alias John Yap ang direktang nagdedeliber ng suhol sa ilang mga opisyales ng kapulisan, LGUs at PGUs ay si alias Jun Moriones ang nananagot sa pamamahagi nito sa mga “kausapin” kasali na siyempre ang ibat-ibang operating unit sa Cavite PNP Provincial Police , sa opisina ng CIDG Regional at Provincial Office hanggang tanggapan ng PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City at maging sa ilang piling mamamahayag o media man.

Pero nakakarating naman kaya ang nakatokang intelhencia para kay PNP Director General, Debold Sinas, CIDG Director, PMGen. Joel Napoleon M. Coronel , PNP Region 4-Director, PBG Felipe Natividad, Col. Santos at iba pa?

Balitang si alias John Yap din ang kapitalista ng jueteng na talamak sa lalawigan ng Rizal na nasa ilalim din ng hurisdiksyoin ng di pa katagalang kauupong Region 4-A na si PBG Natividad.

May 23 kabo at kubrador ang nahuli na aktong nagrerebisa ng taya sa jueteng sa lungga nina alias John Yap at alias Jun Moriones sa Brgy. Santa Clara kamakailan at nasamsam sa mga ito ang sandamakmak na jueteng lastillas, bet money, ball pen, marker at iba pang mga ebidensya.

Dalawampu lamang sa mga arestado ang inasunto ng CIDG sa tanggapan ng Provincial prosecutors samantalang ang tatlong senior citizens ay pinalaya “ for humanitarian reason” sa ginawang inquest proceedings.

Nagkukumpol-kumpol sa iisang bahay na pinagrerebisahan na walang face mask, face shield at di sumusunod social distancing at iba pang health standard and protocols, ang mga nadakip na sugarol nang salakayin ng mga CIDG operatives.

Kaya hindi na nakapagtatakang sumasakit ngayon ang ulo ni Col. Santos pagkat nagkagulo nga ang tabakuhan sa mga juetengan sa kanyang hurisdiskyon.

Putok ang balitang ibinubulsa pala ni alias Jun Moriones ang mga intelhencia na dapat ay naipamahagi na nito sa mga kinauukulan sa looban ng halos ay magdadalawang buwan na nilang jueteng operation sa Cavite, kaya nagkaroon ng “bulabugan”.

Kaya kung tutuusin, napakalaki din ng pananagutan ni Cavite Provincial Governor Junvic Remulla sa nabulgar na pajueteng nina alias John Yap, alias Jun Moriones at alias Kon. Boyet.

Kailan naman kaya ipadadakma ni Col. Santos sina alias Konsehal Boyet at alias Pogi? Dapat isaisip ni kernel na kunsiderableng naputukan na siya ng “Strike One”, kayat huwag na sanang hintayin ni PD Santos na abutin pa siya ng “Strike 2” ng CIDG, Camp Crame?

Kapag maikatlong ulit na nahulihan ng task force anti-gambling mula Camp Crame o iba pang operating unit ang isang command na tulad ng Cavite ay awtomatikong masisibak sa kanyang tungkulin ang nakaupong PNP Provincial director sa bisa ng doktrina ng “One Strike Policy”.

Agaran namang sisibakin sa kanyang puwesto ang police chief na makumpirmang may operasyon ng iligal na pasugal tulad nga ng Gen.Trias. Sinibak na kaya ni PD Santos ang kanyang police chief sa Gen. Trias City?

Kataka-taka naman na sa halos magdadalawang buwan nang operasyon ng jueteng sa Cavite ay hindi natutunugan ni Gov.Remulla ang pagkakaroon ng ganitong uri ng iligal na gawain sa kanilang lalawigan.

Nasa ilalim ng Moderate General Community Quarantine (MGCQ) ang Cavite hanggang sa December 31, 2020, ngunit huwag na tayong magtaka kung muling ibalik sa General Community Quratine (GCO) o mas mataas na antas na kwarentinas ang Cavite kung ganitong sangkaterba ang COVID 19 carrier na jueteng kolektor at kabo sa mga nabanggit na siyudad at bayan ng Cavite.

Pangunahin talagang mapagbubuntunan ng sisi kapag tumaas ang bilang ng COVID 19 positive sa Cavite ay si Gov. Remulla at kadawit nito si Col. Santos.

Ipinangangalandakan pala nina alias John Yap, alias Jun Moriones at alias Kon. Lopez na ligal ang kanilang operasyon at may permit mula sa tanggapan ni PCSO Chairman at General Manager Royina Garma.

Ngunit nadiskubre ng mga awtoridad na hindi kasali ang Cavite sa 61 probinsiya na binigyan ng permiso para makapag-operate ng Small Town Lottery (STL) at PnB na pinabuksan na kama­kailan ni Garma .

Wala ring opisyal na pahayag si Garma hinggil sa pagbibigay nito ng permiso para magkaroon na ng gaming operations ang PCSO sa Cavite, kaya buko ang style bulok na diskarte, na jueteng pala ang palaro nina Moriones, Yap at Kon. Lopez.

Sayang ang mga nasimulaang magagandang achievement ni Col. Santos sa Cavite kung sisirain lamang ng tulad nina alias John Yap, alias Jun Moriones at alias Kon Lopez. Talagang problema itong malaki ng ating idol na Cavite PD…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.