Advertisers
GAMIT ang tangke bilang bridal car, sumakay ang anim na naka-trahe de bodang bride upang marating ang lugar kungsaan ay pakakasalan nila ang kani-kanilang sundalong groom.
At dahil sa pandemya, nakasuot ang mga ikinakasal ng face mask at face shield bilang pagsunod sa safety and health protocols ng Inter Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).
Sa halip na mga bata, mga kasamahang sundalo na naka-uniporme ang nagsisilbing ring at coin bearers.
Ito ay nangyari sa isinagawang “masked wedding” nitong Sabado, Disyembre 12, sa loob ng kampo ng 4th Mechanized Infantry Battalion sa bayan ng Balo-i, Lanao del Norte.
Ayon kay LtCol. Dominggo Dulay, Commander ng 4th Mechanized, ginastusan ng unit ang pagpapakasal ng anim na tropa na nagli-live in sa kani-kanilang nobya sa loob ng isa hanggang tatlong taon.
Nais aniya na maging legal na ang kani-kanilang pagsasama dahil maraming beses nang nagka-problema ang unit sa mga nadisgrasyang tropa na may ka-live in at may anak pero hindi ligal.
Ayon pa kay Dulay, ang M113 Armored personnel carrier na ginamit na bridal car ay isa sa mga ginamit noong Marawi Siege na siyang dahilan ng pagkawasak ng mga teroristang Dawlah Islamiya.
Kaya umaasa si Dulay na magiging simbolo ang tangke pandigma sa buhay ng mga bagong kasal na kahit anumang pagsubok ay mananatili itong matatag.