Advertisers
UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa concerned government agencies, partikular na sa Department of Health na ayusin ang kanilang mga komunikasyon at paglalabas ng tamang impormasyon sa publiko lalo ang tungkol sa kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
“Sa ating mga officials, pakiusap lang po, tulungan natin ang ating mga kababayan na makabangon gamit ang tama at klarong impormasyon. Huwag natin silang mas pahirapan pa,” ayon kay Go.
Iginiit ni Go na sa pamamagitan ng eksakto, nasa oras, wasto at kinakailangan lamang na impormasyon o updates na may kinalaman sa COVID-19, maging ng mga inisyatiba na ginagawa ng pamahalaan ay magpapalakas sa kolektibong pagsisikap ng mga kinauukulan para malagpasan ng bansa ang health crisis.
“Huwag na po natin dagdagan ang iniisip ng taumbayan lalo na’t hilong hilo na po lahat dahil sa hirap na dulot ng pandemya. Siguraduhin ninyo po na maipaliwanag nang maayos at tama ang impormasyon na inyong binibigay,” ani Go.
Idinagdag ng senador na kung tama ang impormasyon o datos ay maisasaayos din ang pagbibigay o paglalabas ng decision-making process ng gobyerno, lalo sa pagpapatupad ng community quarantine measures gayundin sa pagtulong sa mga apektadong sektor ng kasalukuyang krisis.
“Nakasalalay po ang ating mga desisyon sa tamang impormasyon na base sa science at health experts. Tulungan natin ang ating mga kababayan na gumawa ng tamang desisyon para sa kanilang pamilya tulad ng mga desisyon na ginagawa ng Pangulo at ng gobyerno para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” anang senador.
Bilang chairman ng Senate committee on health, mahigpit siyang nakikipag-ugnayan sa DoH para masigurong tama ang mga impormasyong inilalabas ng Health officials hinggil sa COVID-19 cases, batay sa panuntunan ng World Health Organization.
Nanawagan din siya sa local government units, sa mga ospital at accredited laboratories na makipagkoordina sa DOH para matiyak na ang mga kailangang datos mula sa kanila ay na-validate at naisumite sa tamang oras.
Muli, hiniling din ni Go sa DoH at mga kinauukulan na maghanda ng national COVID-19 vaccine program para masiguro ang accessibility at affordability vaccine sa lahat ng Filipino sakaling lumabas na ito sa merkado.
“Pinaghahandaan na natin ngayon kung ano ang gagawin kapag may bakuna na laban sa COVID-19. Siguraduhin natin na mabigyan ng prayoridad at unahin ang mga mahihirap at vulnerable sectors,” ani Go.
Ipinaalala naman niya sa publiko na sundin ang mga ipinapayo ng pamahalaan sa pagsunod sa health and safety protocols, gaya ng pagsusuot ng face mask at social distancing para hindi na lumaganap ang virus. (PFT Team)