Advertisers
“SUMABOG” na parang bomba ang nakakatakot– at nakahihiyang– balita kahapon na “pinasok” ng ‘Akyat-Bahay’ ang bahay ni Laguna Governor Ramil Hernandez sa Bgy. Dila, Bay (Ba-e) noong Nobyembre 3.
Bago ito, pinasok din ng mga pekeng ‘PDEA agents’ ang tanggapan ng isang negosyante sa San Pedro noong Nobyembre 6 kung saan milyones umano ang natangay ng mga suspek.
Hindi naman dapat ipagtaka kung bakit ‘late’ sa balita ang insidente sa bahay ni Gob. Ramil; ayon na rin sa mga impormante sa hanay ng PNP nang ‘local media’ sa pangunguna ni PRO4-A Press Corps president, Ed Amoroso, “pinilit” ng kampo ni Gob. Ramil na “itago” ang insidente sa kanila.
Hindi naman nakapagtataka ang reaksyon ni Gob. Ramil. Dangan kasi, tinatayang P20-milyon CASH, ang natangay ng mga suspek! Wow, naman, Gob. Ramil! Meron ka palang P20-milyon na “nakagarahe” lang sa bahay mo? Sana all, hehehe!
“Saan” naman kaya nanggaling ang ganito kalaking halaga? Sa suweldo ba ni Gob? Ano bang mga negosyo niya ang puwedeng kumita ng ganito kalaking ‘return on investment?’ Panalo ba kaya sa Lotto? Baka sa casino?
Hindi natin alam at mas magandang magpaliwanag sa bagay na ito si Gob. Ramil, tama ba mga kakabayan ko at Ombudsman Samuel Martires?
Hindi ka ba “naintriga” sa balitang ito, OMB Martires? ‘Motu propio’ mo na, hehehe!
Sa panig naman ng Laguna PPO, wala pa bang balak ang PNP at si Calabarzon RD PBGen. Paul Kenneth Lucas na “pagbakasyunin” na muna si PD PCol. Gauvin Unos? Aber, sunod-sunod ang “salto” kasi. Hindi tayo magtataka na sa estado ngayon ng ‘peace and order’ sa Laguna, marami ang tubuan ng “nerbiyos!” Nakakatakot na nga naman kasi.
Bukod sa pag-atake ng mga armadong magnanakaw sa San Pedro at bahay ni Gob. Ramil, nalaman natin na may mga pulis-Calamba rin na sabit naman sa ‘kidnapping?’ Kumbaga, pulos sa ‘sensational crimes’ na lang “sumisikat” ngayon itong probinsiya ko, hays!
Hindi ba nahihiya si RD Lucas at Chief PNP PGen. Rommel Marbil na pulos “mantsa” sa “tsapa” ang mga balita ngayon sa lalawigan namin ni Gat. Jose Rizal at Asedillo?
Abangan!