Advertisers

Advertisers

Molecular laboratory ng Muntinlupa, binuksan

0 298

Advertisers

MAGANDANG balita para sa mga mamamayan ng Muntinlupa City!

Aba’y binuksan na pala ng lungsod ang sarili nitong molecular laboratory.

Nakakuha kasi ang LGU [local goverment unit] na pinamumunuan ni MAYOR JAIME FRESNEDI ng accreditation mula sa Department of Health (DOH) bilang bahagi ng mas pinaigting na local testing capacity at COVID-19 response efforts ng lungsod.



Pahayag nga ni Ospital ng Muntinlupa (OsMun) director DR. EDWIN DIMATATAC, nagsimula nang magproseso ang laboratoryo ng swab samples mula sa mga COVID-19 patients at mailalabas agad ang resulta sa mismong araw kung kailan kinuha ang samples.

Kung hindi ako nagkakamali, sa ilalim ng inaprubahang pricing scheme, ang RT-PCR swab test sa Muntinlupa Molecular Laboratory ay nagkakahalaga ng 3,800 pesos.

Ayon kay Muntinlupa LGU Public Information Office (PIO) CHIEF TEZ NAVARRO, makaka-avail naman daw ng diskwento ang mga pasyente na miyembbro ng PhilHealth at kuwalipikado sa ilalim ng No Balance Billing scheme.

Sinasabing ang molecular laboratory ay bukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon tuwing weekdays at matatagpuan ito sa SAGIP building na nasa likod lamang ng OsMun sa Filinvest, Alabang.

Bukas din ito para sa out-patient clients na nais magpa-swab test tuwing Lunes hanggang Biyernes, maliban lamang kung holiday, mula alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga.



TULONG SA MGA NASUNUGAN SA ALABANG

SINISIKAP ngayon ng Muntinlupa LGU na maabutan ng tulong ang lahat ng mga apektado ng sunog sa isang residential area sa Alabang, Muntinlupa, pasado hatinggabi nitong Biyernes.

Kung hindi ako nagkakamali, humigit-kumulang sa 100 bahay ang nilamon ng apoy.

Pahayag nga ni Fire Supt. ROBERTO SAMILLANO JR., city director ng Bureau of Fire Protection (BFP) Muntinlupa, nasa 300 pamilya ang apektado na pawang naninirahan sa Interior Ilaya.

Sinasabing karamihan sa mga bahay ay gawa sa light materials kaya’t mabilis na kumalat ang apoy at inabot pa ng mahigit dalawang oras ang sunog bago tuluyang naapula.

Mabilis namang rumesponde ang mga bumbero mula sa Las Piñas at Parañaque pero pahirapan ito dahil sa sikip ng daanan papunta sa pinangyarihan ng sunog.

Mag-alas-2:00 na ng madaling-araw nang tuluyang mapatay ang apoy kung saan dalawa ang naitalang nasugatan sa insidente.

Natumbok na naman daw ng mga imbestigador kung saan nagmula ang apoy. Gayunman, hindi pa nakakausap ang umuupa rito.

Tinatayang isang milyong piso ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog habang kasalukuyan namang tumutuloy sa Alabang Elementary School ang mga nasunugan.

Kaya mahalaga pong mag-ingat tayong lahat laban sa sunog, lalo’t malapit na ang Pasko.

Ilan kasi sa mga karaniwang sanhi ng sunog tuwing papalapit na ang ganitong panahon ay ang mga appliances at substandard na Christmas lights.

Aba’y dapat pong i-check nating mabuti ang ating electrical systems para iwas-sunog.

Stay safe po, mga kababayan!