Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na mas nais niyang magpokus sa pagseserbisyo sa publiko, gaya ng pagtugon sa pangangangailangan ng Filipino na nahaharap sa krisis na dala ng mga kalamidad at COVID-19 pandemic, imbes na umepal sa mga usapang may kinalaman sa darating na halalan.
Sa panayam sa kanya matapos personal na pangunahan ang distribusyon ng ayuda sa Typhoon Ulysses victims sa Bulacan, sinabi ni Go na wala namang duda na susuportahan niya si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling magdesisyon si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbong presidente sa eleksyon, katambal ang kanyang ama.
Ngunit nilinaw ni Go na masyado pang napakaaga para pag-usapan ang darating na halalan, lalo ngayong nahaharap sa sa mahirap na sitwasyon ang bansa sapagkat maraming hamon na kinakailangang tapusin at lutasin.
“Kung ako ang tatanungin, of course, susuportahan ko po ‘yan dahil naniniwala po ako kay Pangulong Duterte at kay Mayora Sara, pero sa ngayon napakaaga pa pong pag-usapan ang pulitika, unahin muna natin ang pandemya baka kung ‘di tayo makalagpas sa pandemya, wala tayong pulitikang pag-uusapan,” ani Go.
Sinabi ng senador na ang mas mahalaga sa kanya sa ngayon ay maprotektahan ang buhay ng mga Filipino sa banta ng COVID-19, sa serye ng kalamidad at sa marami pang suliranin sa bansa.
“’Wag muna tayo mag-usap ng pulitika, napakatagal pa ‘yang pulitikang ‘yan at ‘di pa po makakatulong ‘yan sa panahong ito. Importante po malagpasan natin ito,” anang senador na ang tinutukoy ay ang 2022 national at local elections.
Muli niyang tiniyak sa publiko na ang mga mahihirap at vulnerable sectors, gayundin ang frontliners, ang ipaprayoridad kapag mayroon nang nabiling ligtas na bakuna laban sa COVID-19.
Hinikayat din niyang muli ang publiko na patuloy na sundin ang ipinatutupad na health and safety protocols, gaya ng pagsusuot ng masks, face shields at obserbahan ang social distancing o ang palagiang paghuhugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Ako’y natutuwa na ang Pilipino ay disiplinado po at sumusunod sa paalaala ng gobyerno. Just cooperate with the government. Para po ito sa inyo. Lahat po ng aming ginagawa ay para sa kabutihan po ninyo,” aniya.
Nagtungo uli si Go sa Bulacan para mamahagi ng iba’t ibang tulong sa mga nabiktima ng Typhoon Ulysses sa Baliuag, Sta. Maria at Guiguinto. (PFT Team)