Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na ang huling araw ng pagkakaroon ng 20% diskwento sa pagbabayad ng prompt at advance taxes ay sa Huwebes, December 10.
Ayon sa alkalde, nagpasya ang city treasurer’s office sa ilalim ni Jasmin Talegon na ipagpatuloy ang operasyon ng kanilang tanggapan upang tumanggap ng bayad kahit pa holiday ang petsang December 8, ito ay upang mabawasan ang inaasahang pagdagsa ng mga last-minute real property tax (RPT) payments.
Inabisuhan ni Moreno ang publiko na dalhin ang kanilang huling RPT payment receipt at magsuot ng face masks at face shields upang papasukin sa Manila City Hall.
Sinabi pa ni Moreno na ang deadline para makuha ang 20 percent discount sa kabuuang buwis na babayaran ay hindi na palalawigin pa dahil sinusunod ng pamahalaang lokal ang payment schedule base sa ordinansang ipinasa ng Manila City Council sa ilalim ni Vice Mayor at presiding officer Honey Lacuna.
Ang nasabing diskwento ang pinakamalaking ibinigay ng lungsod. Sakop nito ang advanced payments para sa isang buong taon at nagsimula sa unang linggo ng November.
Ipinaliwanag pa ni Talegon na ang advance payments na tinatawag ay yaong ginawang pagbabayad isang taon bago ang nakatakdang petsa habang ang prompt payments na ay pagbabayad bago ang mismong takdang petsa.
Ang bagong schedule ng mga diskwento ay kinabibilangan ng staggered payments o utay-utay na pagbabayad sa mga delingkwenteng accounts. Sakop nito ang real properties na kinabibilangan ng land, building, machinery at iba pang improvements.
Pero kung ang annual realty taxes ay binayaran naman ng buo mula sa petsang December 11 – 29, 2020, ang tax discount ay 15 percent lamang at kung ito naman ay binayaran din ng buo mula sa petsang January 1 hanggang 31 ng susunod na taon ang diskwento ay 10 percent lamang.
Ang mga prompt payments ay pinagkakalooban din ng 10 porsyentong diskwento.
Binigyang diin ni Talegon na ang mga nasabing diskwento ay ibinibigay lamang sa mga properties na walang mga pagkakautang.
Para naman sa assessment, ang depreciation allowance ay maaring maibigay sa building o improvement sa annual rate na mula isa hanggang dalawang porsyento ng kasalukuyang current at fair market value, na puwedeng ibigay kada limang taon matapos ang application sa Office of the City Assessor sa ilalim ni Marlon Lacson.
Ang residual value ng gusali ay hindi dapat bababa sa 50 percent sa original appraisal.
Sa kaso ng mga makinarya, ang depreciation allowance ay maaring makuha sa rate na mula two hanggang five percent ng original cost o ng replacement o reproduction cost, at ito ay maaaring maibigay kada tatlong taon gamit at matapos ang application sa Office of the City Assessor. Ito ay kung ang remaining value sa lahat ng uri ng makinarya ay nakapako sa 25 percent ng original, replacement, o reproduction cost o hanggat nagagamit ang makina at nag-o-operate. (ANDI GARCIA)