Advertisers
BUKAS – ika-10 ng Disyembre, muling ipagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, o Human Rights’ Day. Muling bibigyang diin ang kahalagahan ng karapatang pantao upang mamuhay ng maayos, marangal at matiwasay ang bawat tao sa lipunan.
Hindi hungkag ang karapatang pantao sapagkat kinikilala ito sa larangan ng international law. May mga probisyon sa Saligang Batas upang pangalagaan ang mga karapatang pantao. Ito ang nagpapatingkad na tratuhin ang bawat nilalang ng parehas.
Sa Estados Unidos, isinabatas ang Magnitsy Law upang pangalagaan ang karapatang pantao ng bawat tao. Ipinasa ito noong 2012 at nilagdaan ni Barack Obama bilang batas. Sa mga lumabag, hindi sila nakakapasok sa teritoryo ng Estados Unidos. Isinasailalim sa “freeze order” ang kanilang ari-arian at pera sa bangko.
Dahil sa Magnitsy Law, natatakot ang mga opisyales ng gobyerno ni Duterte na kasangkot sa pagkakakulong ni Leila de Lima. Takot sila na pumunta sa Estados Unidos at baka bigla na lang silang makulong. Hindi nila alam kung may nakaabang na sakdal sa kanila doon. Takot sila na hindi papasukin sa Estados Unidos. Takot silang ilitin ang kanilang pera at ari-arian doon. Hindi garantiya na U.S visa upang makapasok sa Estados Unidos. Alam ni Bato at Tito Sotto ito kahit nabigyan sila ng bagong U.S. visa.
Pinalawak ang bisa ng Magnitsy Law noong 2016. Hindi sa Estados Unidos lamang magagamit ito. Maski sa ibang bansa kung saan may impluwensiya ang Amerika. Tinawag itong Global Magnitsy. Kamakailan ipinasa ang Global Magnitsky Law sa European Union at 27 foreign minister ng 27 bansa sa Europa ang lumagda. Totoong pinagtiyagaan ni Bill Browder, ang Amerikanong mangangalakal na lobbyist, ang pagpasa ng Global Magnitsky sa EU.
Kung magbago ang hihip ng hangin sa larangan ng pulitika, mukhang walang matatakbuhang bansa ang may kinalaman sa usapin ni Leila de Lima kundi China. May masakit na biro ang ilang tagamasid na malamang magtitiyaga sila sa agahan araw-araw ng congee at dimsum kung sakaling humingi sila ng political asylum sa China. Masakit at malupit na biro.
***
ISANG malaking abala ang isinampang impeachment complaint laban kay Marvic Leonen, ang mahistrado ng Korte Suprema na naatasan na pamunuan ang komite na magsiyasat sa electoral protest ni Bongbong Marcos. Dahil mukhang hindi mananalo si BBM sa protesta laban kay Bise Presidente Leni Robredo, naghain ang tambalang Penguin at Joker ng impeachment complaint laban kay Leonen sa Kamara de Representante.
Kaagad inendoso ng pinsan ni BBM na mambabatas ang impeachment complaint. Halata na pinagplanuhan ang galawang BBM. Kaya pupunta ito sa committee on justice na kasalukuyang pinamumunuan ni Rep. Lawrence Vicente Veloso. Maaaring magsagawa ng public hearing ang komite ni Veloso, o maaaring ibasura agad ang reklamo.
Dahil salat sa oras ang Kongreso upang pag-usapan ito, nakikita namin na ibabasura lamang ito sapagkat wala naman kredibilidad ang tambalang Joker at Penguin upang maghain ng kapani-paniwalang impeachment complaint. Hindi masyadong sineseryoso ang reklamo at mukhang agarang ibabaon sa limot.
Bakit pag-uusapan iyan? Mga dalawa o tatlong buwan mula ngayon, mag-iinit na ang pulitika. Mag-uumpisa na ang posisyunan ng mga papalaot sa 2022. Wala sa timing ang reklamo ni Joker at Penguin. Mistulang suntok sa buwan. Masahol sa masangsang na amoy ng utot.
***
MARAMI ang hindi sumasang-ayon sa planong pagtakbo n Manny Pacquiao sa 2022. May sarili silang dahilan. Ngunit aminin na naisahan sila ni Manny ng kunin niya ang pamunuan ng PDP-Laban, ang naghaharing lapian sa kasalukuyang koalisyon. Marami ang nagulat sa ipinamalas na lakas ng loob at katatagan ni Manny ng agawin niya ang liderato ng PDP-Laban. Kasama sa mga naisahan si Sara Duterte at Bong Go.
Hindi magkatugma ang direksyon ng anak at alalay. Parehong may ambisyon maging pangulo bagaman salat sa dunong at kakayahan mamuno. Senyorita ang anak. Walang pasensiya at mababa ang tingin sa mga nasa ilalim niya. Masyado malaki ang tingin sa sarili. Wala naman sariling pagpapasya ang alalay. Sanay na inuutusan. Kung ano ang utos, iyon ang galaw. Isang senyorita at alalay, patay ang sambayanan diyan. Walang kinabukasan ang bansa sa kanila.
Bagaman hindi kagalingan si Manny Pacquiao, mas mainam siya kahit alin sa dalawa. Ngunit maaaring hindi ang halalang pampanguluhan ang pakay ni Manny. Maaaring lumaro ang boksingero. Kapag nakita na lubhang malakas at mukhang hindi matatalo si Bise Presidente Leni Robredo, maaaring pumasok ang PDP-Laban sa isang koalisyon sa Liberal Party. Sino ang makakapagsabi? Maraming puedeng mangyari sa pulitika.
Hindi nakikita na makikipagkoalisyon ang PDP-Laban sa Davao Group, o ang tinaguriang “Hugpong ng mga Ulupong”. Pinagsawaan na ng mga tao ang Davao Group. Wala naman ipinamalas na galing. Mas lalong walang itinatagong galing. Sagad-sagaran sa kabobohan. Sino ang may kasalanan? Sisihin nila ang presidente nilang batugan.
Bagaman salat sa maraming bagay si Manny upang maging epektibong lider, hindi salat si Manny sa pagtingin sa Diyos. Marunong siyang manalangin. Ang taimtim na pananampalataya ang tutulong sa kanya. Sino ang makakapagsabi?
***
MAMAMAHAYAG si Dan Amosin, bago naging abogado. Isa siya sa mga manunulat ng WHO magasin noong panahon ng diktadurya. Pumunta sa Amerika at doon nagpraktis ng kanyang propesyon. Itinuturing siya sa isa sa mga pinakamamagaling na immigration lawyer sa California. Ngunit hindi niya kinalimutan ang tinubuang lupa.
Hindi siya bilib kay Donald Trump. Hindi kasi nalalayo si Trump kay Duterte. Pareho silang mabunganga. Pareho silang walang laman. Narito ang isinulat ni Dan Amosin tungkol kay Trump: “He is a man of superlatives. The weirdest, most bizarre, most lying, most blustery, most narcissistic, least democratic, most seditious of democratic institutions, most scornful of suffrage and its protocols, least empathy, most boastful, most confrontational, most unpredictable, most unconventional, most transactional in actuations, most avaricious, most amoral, most cynical of US soldiers and heroes, least appreciative of moral and legal constraints , most scornful of contrarians, most vengeful of critics, least tolerant of constructive criticism, biggest believer in flatterers, most ignorant of world alliances, most pompous and self-aggrandizing, least mindful of social catastrophes, least believer in climate change and environmental concerns, most admiring of dictatorial figures, highest penchant for humbuggery and hyperbole, most racially divisive, most patronizing of racial minorities, most number of convicts in his inner circle, worst misfit in government service , the most polarizing POTUS ever. And the handsomest and the most mesmerizing, darling object of personality cultists as well as the most strident nemesis of Red China and the best friend of Israel and Wall Street. One for Guinness Book of Records.”