Advertisers

Advertisers

HULING SUGAL NI GONGDI

0 43

Advertisers

BATID ni Gongdi na hindi tatantanan ng kampo ni BBM ang mga Duterte. Sisiguraduhin ng kampo ni BBM sa tulong ng iba pang puwersang pulitikal sa bansa na walang Duterte na mamayagpag pagkatapos na halalan ng 2025. Hindi sila makakaporma sa 2028.

Noong Martes, iniurong ni Gongdi ang kanyang certificate of candidate (CoC) upang tumakbo bilang alkalde ng Davao City sa 2025. Binago ang posisyon na kanyang hangarin. Ito ang pagtakbo bilang senador. Nagbitiw noong Lunes si Karlo Nograles bilang chair ng Commission on Civil Service at nagsumite ng CoC upang tumakbo bilang alkalde ng Davao City.

Makakalaban ni Karlo si Baste bilang alkalde ng Davao City. Ngayon pa lang, nakikita ilalampaso ni Karlo si Baste dahil hindi naging maningning ang record ni Baste bilang alkalde ng Davao City. Naunang idineklara na si Baste ang katiket ni Gongdi sa pagka-bise alkalde.



Matinding magkaribal ang pamilya Duterte at Nograles sa Davao City. Nagsimula ang alitan mahigit 30 taon ang nakalipas. Hindi nagkasundo ang namayapang Prospero Nograles, dating ispiker ng Camara de Representante, at Gongdi, ang alkalde ng siyudad.

Umikot ang pulitika ng Davao City sa dalawa pamilya. Nasa paligid ang ibang pamilya tulad ng Lopez, Garcia, del Rosario, at Abellera.

Nagkaroon ng pansamantalang tigil-away ang dalawang pamilya noong pangulo si Gongdi kahit hindi ito matibay dahil sila nagbanggaan. Cabinet secretary ni Gongdi ang anak ni Prospero – si Karlo, dating mambabatas. Sa huli, nahirang na hepe ng CSC si Karlo.

Maliban kay Gongdi at Baste, tatakbo sa pangatlong pagkakataon si Polong sa unang distrito ng Davao City. Tatakbo sa kauna-unahang ang apo ni Gongdi na si Omar (anak ni Polong) bilang kongresista ng ikalawang distrito. May isa pang apo na tatakbo bilang konsehal ng siyudad. Matabang dinastiya ang mga Duterte sa siyudad.

Tatakbo ang isang kapatid na Nograles na si Margarita Ignacia, o Migs, sa unang distrito at maglalaban sila ni Polong. Hindi malaman kung sino ang ipapalit kay Migs bilang pangunahing nominee ng Pwersa ng Bayaning Atleta Party List (PBA). Hindi pa malaman kung ano ang plano ni Jericho Nograles, isang kongresista, sa 2025.



Nakilala si Migs bilang mambabatas na nagsumite ng resolusyon na iimbestigahan ng Camara ang prangkisa na ibinigay sa SMNI na pag-aari ni Apollo Quiboloy, ang pastor na nagsasabing “anak” ng Diyos. Ito ang senyal na maghihiwalay ng landas ang pamilya Nograles at Duterte. Ito ang senyal na salungat na ang mga Nograles sa mga Duterte.

***

HULING sugal ni Gongdi ang desisyon niya na tumakbong senador imbes na alkalde ng Davao City. Ito ang huling tapon niya ng dice sa magulong pulitika ng bansa. Isa si Gongdi sa mga nangunguna sa survey. Ngunit magkaiba ang halalan at survey. Hindi siguradong mananalo sa halalan ang mga nangunguna sa survey.

Kung matatalo si Gongdi sa halalan, tuluyang babagsak na ang pamilya pamilya Duterte sa pulitika ng bansa. Nahaharap rin sa banta ng impeachment complaint ang anak na si Sara. Maaaring isasampa ito sa Nobyembre at kung magtutuloy-tuloy, maaari siyang matanggal sa puwesto. May sapat na bilang ang kampo ni Duterte sa Kongreso upang tanggalin si Sara.

Dalawang oras ng ihayag ni Gongdi ang desisyon niya na tumakbo bilang senador, nagsumite ng CoC para sa Senado ang nakabilanggong pastor at “anak ng Diyos” umano na si Apollo Quiboloy. Nagsumite rin ng CoC para senador ang komedyanteng si Willie Revillame.

***

HINDI lang ang mga payaso, komedyante, artistang laos, at mga walang matinong magawa ang nagsumite ng kanilang CoC para sa Senado ang ilang matitinong kandidato tulad ni Heidi Mendoza, dating commissioner ng Commission on Audit (Coa), mga prominenteng lider obrero Sonny Matula at Leody de Guzman, at Col. Ariel Querubin, dating sundalo.

Dala-dala ni Heidi Mendoza ang anticorruption agenda sa kanyang kandidatura at nangangahas iharap sina Matula at de Guzman ng ilang ideye upang mapaunlad ang ekonomiya, at may mga mungkahi si Querubin upang ang tanggulang bansa.

***

MAY mga ilang tanong sa kandidatura ni Gongdi sa Senado. Pangunahin sa mga tanong ang kanyang kalusugan. Kaya pa kaya niya ang umikot sa Filipinas upang isulong ang kandidatura? Mukhang napakahina ng katawan ni Gongdi kahit may mga balita na marami siyang sakit.

Malaking tanong kung maglalabas ng salaping pangkampanya si Gongdi.Makakasama ni Gongdi sina Bong Go, Bato dela Rosa, at Philip Salvador. Ipinapalagay na si Bong Go ang gagastos kay Gongdi dahil alam nila na tagilid sila kung wala si Gongdi.

Magpasalamat rin tayo at hindi tumakbo bilang senador si Harry Roque at Salvador Panelo. Nagtatago pa si Harry at hindi na nangahas si Sal. Pareho silang mga walang panalo.

***

MGA PILING SALITA: “Talking of Duterte Legacy, Gongdi is best remembered for his legendary cowardice on China’s incursions of PHL territory.” – PL, netizen, kritiko

“Telling the truth is not bravery; it is a duty.” – Percy Lapid, pinaslang na radio commentator

“EJK investigation files are empty. Nothing useful in them. You make them thick with requests for this requests for that, no results. Mga reports kunwari lang, superficial, may template. How do you impress the ICC with that?” – Raquel Fortun, netizen, forensic scientist