Advertisers

Advertisers

Kasuhan ng “economic sabotage” ang MMDA at HPG

0 276

Advertisers

ISA sa malaking problema ng Pilipinas ngayon ay ang napakalalang trapik.

Problema na rin ito ng mga nakalipas na administrasyon.

Syempre, sabi ng mga ahensiyang nakatoka sa suliraning ito, lalo na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay ginagawa nila ang lahat ng paraan upang maresolbahan ang naturang problema.



Kaso, sa aktuwal ay hindi solusyon ang inilatag nila.

Kahit nga aksyon upang pansamantalang lumuwag ang galaw ng mga sasakyan ay hindi papasa ang ginawa ng MMDA.

Ang tinutukoy ko ay ang tampok na paksa ngayon sa social media na pag-alis ng “u – turn slots” sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).

Ang u-turn ay hindi talaga mataas na uri ng solusyon upang matanggal ang trapik.

Ngunit, ‘malaki’ ang naitutulong nito upang makagalaw ang mga sasakyan.



Nang tinanggal ang u-turn sa EDSA ay napakalinaw ng sobrang tindi ng trapik.

Napakabagal ng usad ng mga sasakyan.

Kahit nga mayroong grado ang salamin mo, tiyak na kitang- kita ang sobrang tindi ng trapik.

Pero, nang tanungin ng mga mamamahayag ang MMDA tungkol dito, ang sagot ng isang opisyal ay mas malala ang tindi ng trapik noong mayroong u-turn slots sa maraming parte ng EDSA.

Pokaragat na ‘yan!

Ang nabubuwisit sa nagtanggol sa ginawa ng MMDA ay nakangisi pa ito habang nagpapaliwanag sa kawastuhan ng desisyon ng pamunuan ng MMDA.

Pokaragat na ‘yan!

Minsan ko nang tinalakay sa aking kolum ang pagpapabuwag sa MMDA dahil hindi naman nito nagagampanan nang tama ang pagreresolba sa napakatinding trapik.

Masyado palang matagal ang prosesong ‘yan, sapagkat magbabalangkas pa ng panibagong batas upang mawala at matapos na ang buhay ng batas na nagbigay ng ligal na batayan upang magkaroon ng MMDA sa Metro Manila.

Alam nating lahat kung gaano kabagal ang pagpasa ng panukalang batas.

Ang mabilis lang ay kapag ang panukalang batas hinggil sa pondo dahil pera ang laman nito na kakailanganin ng mga iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan, lalong-lalo na ng mga senador at kongresista.

Mabilis din ang aksyon ng mga mambabatas kung panukalang batas tungkol sa batas-militar na ipag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso tulad ng nangyari sa Mindanao.

Pero, mahirap pala kung pagpapabuwag sa mga inutil na ahensiya ang ipapanawagan sa Kongreso.

Maraming kokontra tulad ng minsang inanunsiyo ni Duterte na ipabubuwag niya ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa napakasahol ng korapsyon dito.

Hindi natuloy ang ideyang ito.

Kaya, malabo ring ipabuwag ang MMDA, lalo pa’t retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinuno nito.

Maganda siguro kung sampahan ng mga alkalde sa Metro Manila ng kasong kriminal ang pamunuan ng MMDA at maging ng pamunuan ng Highway Patrol Group (HPG) upang maparusahan naman ang mga ito sa ginawa at ginawa nilang “napakalaking perwisyo” sa libu-libong motorista, mananakay, negosyante at ekonomiya.

Ang HPG na isang yunit sa Philippine National Police (PNP) ay katuwang ng MMDA sa pagsasaayos ng daloy ng mga sasakyan sa EDSA.

Sa aking pagkakaalam, ang perwisyo, o gambala, ay maituturing na krimen.

Ang gambala ng trapik sa ekonomiya ay napakalaki dahil bilyun-bilyon ang nasasayang na pera araw-araw dahil sa trapik.

“Economic sabotage” ang alam kong krimeng nagawa kapag ‘binugbog’ ng trapik ang ekonomiya ng bansa.

Totoong EDSA ang binabanggit na mayroong matinding trapik noon pa man, ngunit ang epekto nito ay aabot sa maraming lugar sa Luzon.

Alam ba ninyong 75% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ay galing sa Luzon?

Sukatan ng ekonomiya ang GDP.

Hindi maliit na krimen ang pananabotahe sa ekonomiya, sa mga motorista, mananakay, negosyante at iba pa.

Kaya, puwedeng kasuhan ng economic sabotage ang pamunuan ng MMDA at HPG.