Advertisers
DI ko masabi ang damdamin
Ako ay naninimdim
Walang magawa kahit may gustong gawin
Mula umaga hanggang sa pagdilim.
Hindi ko masabi ang damdamin
Umalis ako sa bahay na ingat na ingat
Upang mamili, suot ay face mask,
Sardinas, alcohol at bigas.
Hindi ko masabi ang damdamin
Dala ko ang bag, mayroon kang ibinilin
Ibili ka ng matamis na manggang kakainin.
Hindi ko masabi ang damdamin
Sa balita’y marami ang positive sa COVID
Sana, ligtas ako, ikaw aking iniibig
Kumakaba sa takot ang aking dibdib!
Hindi ko masabi ang damdamin
Sana ay may gamot na sa pandemya
Sana ay bumalik na sa normal
Muli sanang sumigla ang buhay.
Hindi ko masabi ang damdamin
Kailan kaya sisigla uli ang galaw
Pangamba kailan mawawalay
‘Wag sanang mahal ay madamay
Sa pandemyang nakamamatay.
Hindi ko masabi ang damdamin
Sana ang mga mahal at mga kaibigan
Lahat sila ay ligtas walang karamdaman,
‘Yan ang aking dalangin sa Maykapal.
Ngayon alam ko na ang damdaminm
Iingatan tayo ng Amang mapagmahal
Di Niya tayo pababayaan
Basta magtiwala sa Kanya
Ngayon at magpakailanman.
***
Dapat na idulog na ang usapin ng pag-angkin natin sa Sabah sa international court.
Naipayo na noon pa man ito nina dating mga senador Miriam Santiago at Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. dahil sa patuloy na paggiit ng Malaysia na pag-aari nila ang Sabah.
Bukod sa Pilipinas, inaangkin din ng Indonesia ang Sabah.
Iminungkahi noon ni dating Senator Pimentel kay Presidente Rodrigo Roa Duterte na ipagpatuloy ang pagsusulong sa mapayapang solusyon at katangggap-tanggap sa international laws ang pagbawi sa Sabah.
May mungkahi rin noon si dating Sen. Santiago na isampa sa United Nations ang pag-angkin sa Sabah na mapatutunayang atin noon pa man at ito ay ilegal na naging bahagi ng Malaysia.
Naniniwala kapwa sina Santiago at Pimentel na papanigan ng UN at ng International Arbitration Court ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah.
***
Ang Sabah, ayon sa kasaysayan ay gantimpala ng Brunei sa Sultan nang tumulong ito sa pagsugpo sa isang rebelyon sa Borneo noong 1658.
Pinaupahan ng Sultanate ang Sabah, noon ay kilala sa tawag na North Borneo sa British North Borneo Company noong 1878 sa taunang renta na halagang 5,000 Malayan dollars at noong 1903 ay tinaas ang upa sa 5,300 Malayan dollars.
Noon namang 1963, ilegal na inilipat ng gobyernong British ang Sabah sa bagong tatag na Federation of Malaysia na mahigpit itong tinutulan ni President Diosdado Macapagal, at nasira ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at ng Malaysia.
Hanggang sa kasalukuyan ay isang malaking problema ng ating gobyerno ang pag-anking mabawi ang Sabah, lalo na iginigiit ng Malaysia na kanila ang Sabah, at ipaglalaban nila ito na maangkin ng Pilipinas!
***
Nasa panig natin ang kasaysayan, nasa panig natin ang katotohanan.
Walang duda, ang Sabah ay pag-aari ng Pilipinas: Atin ang teritoryong ito, at tunay na tayo lamang ang may karapatang magmay-ari nito, hindi ang Malaysia.
Atin ang Sabah, piryud!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.