Advertisers
MULING isasailalim ang National Capital Region (NCR), Bulacan, Laguna Cavite at Rizal sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula ngayong araw (Agosto 4) hanggang Agosto 18.
Ito’y matapos dinggin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apelang “time out” ng iba’t-ibang grupo ng medical professional o health workers dahil sa patuloy na paglobo ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) kung saan pinakamataas na naitalang mga kaso ay sa NCR.
Sa kaniyang public address, sinabi ng Pangulo na naintindihan nito ang mga hinaing ng mga doktor at mga health workers ngunit kung wala aniyang tutulong sa taumbayan ay wala ng ibang inaasahang gumawa pa ng naturang trabaho.
“I understand why health workers why they would like to ask for a time out. They have been on the frontliners for months and are exhausted, We are appealing to Congress na isali na itong sa health workers sa Bayanihan 2 benefits,” ani ng Pangulo.
Ipinapaabot ng Pangulo ang kaniyang simpatiya sa mga health workers dahil sa hirap na ginugol ng mga ito para malabanan ang pandemya.
Sinabi pa ng Pangulo na tiwala ito sa kakayahan ng mga health workers at hinihikayat niya ang mga ito na habaan ang kanilang pisi at huwag mawalan ng pag-asa.
Giit ng Pangulo na hindi niya ilalagay sa mahigpit na quarantine measures ang bansa dahil kinakapos sa pondo ang pamahalaan. (Vanz Fernandez/Josephine Patricio/Jonah Mallari)
Maraming checkpoint, quarantine pass ire-require muli (sub-title)
Ipatutupad muli ang paggamit ng Quarantine Pass upang malimitahan ang mga lumalabas sa kanilang tahanan.
Sinabi ni Department of Interior and Local Government Spokesman Jonathan Malaya na epektibo muli ang quarantine pass sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ)gaya ng Metro Manila, Cavite, Rizal at Laguna simula ngayong Agosto 4 hanggang Agosto 18.
Ibig sabihin nito, isa lang na Qpass ang ibibigay sa bawat pamilya upang matiyak na lalabas lang sila sa tuwing bibili ng essential goods tulad ng gamot at pagkain.
Nakatakda namang talakayin ng DILG sa gaganaping pagpupulong kasama ang mga Metro Mayors kung maaring gamitin ang lumang Quarantine pass o mag-iisyu ng panibago.
Samantala, pinaalalahanan ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang lahat na mas maraming checkpoint ang ilalagay sa mga lugar na sakop ng MECQ.
Ito ang inihayag ni JTF COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa isang panayam.
Sinabi pa ni Eleazar na kasalukuyang nasa boundary lang ng mga probinsiya at rehiyon ang mga checkpoint.
Paalala rin ni Eleazar na tanging mga empleyado ng mga piling industriya at kompanya ang pinapayagang dumaan sa checkpoint. Aabisuhan din ng Task Force ang mga mall at kahalintulad na mga establisyimento na huwag magpapasok ng mga hindi residente ng Lungsod. (Jonah Mallari/Josephine Patricio/Ernie Dela Cruz)