Advertisers
“HUWAG kayo gagawa ng krimen sa Maynila, dahil puyat ang ikamamatay ninyo.”
Ito ang naging babala ni Mayor Isko Moreno kasabay ng pagprisinta niya sa suspek na tinaguriang ‘10th most wanted carnapper’ at kinilalang si Jeffrey Rodriguez na nagtago sa batas sa loob ng isang taon.
Pinuri ni Moreno ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) na nakatunton at nakaaresto kay Rodriguez sa isang operasyon sa Pandi, Bulacan. Si Rodriguez ay pormal ng sinampahan ng kaso.
Sa kanyang live address, sinabi ni Moreno na ang pamahalaang lokal ay hindi nagbabago sa polisiya nito na hindi pagpayag na maging pugad ang kabisera ng bansa ng mga ‘wanted’ na tao at mga kriminal at patuloy na tutugisin ang mga nakagawa ng krimen sa lungsod at naging pugante sa batas.
“Talagang hahabulin namin kayo. Maaring pagtawanan ninyo ang pulis at pamalaang-lungsod dahil pansamantala kayong nakakatakbo, nakakaiwas at nakakalaya pero pasasaan ba at makukuha rin namin kayo,” giit ng alkalde.
Idinagdag pa nito na: “In line with our policy since Day 1, ayaw kong pamahayan ng ‘wanted’ at kriminal ang lungsod. Maaring di ko kayo mapigilan pero if you do it here, kayong mga tolongges, pipilitin naming me kalalagyan kayo.”
Tiniyak din ng alkalde na ang pamahalaang lokal at ang kapulisan ay patuloy na magtataguyod ng karapatang pantao ng mga suspek.
“Pipilitin nating makuha nang buhay ang mga suspect, unless me instances na lumalaban ‘yung mga suspect o wanted,” ayon kay Moreno.
Sumumpa ang alkalde na ang lahat ng mga gumawa ng krimen sa lungsod ay tutugisin kahit saan pa magtago dahil hindi niya papayagan na makapambiktima ang mga ito ng taga-Maynila at takasan ang ginawang krimen. (Andi Garcia)