Advertisers
ANG pagninilay sa panahon ng pandemya ang pinaka mabuting gawin upang punuan ang ilang kakulangan sa ating sarili. At mula dito, mapapansin na kailangan baguhin ang mga gawi na hindi sang-ayon sa kaayusan ng pag-uugali.
Sa gayong pagsisimula mula sa pagninilay, ating ibahagi ang kagalingan ng ating pagbabago sa kaibigan o kakilala’y upang maging modelo ng pagbabago. Sa nakitang kakaiba sa atin, malamang na maisip o matanong kung ano ang dahilan ng ating pagbabago. Dahil ba ito sa aral ng panahon na halos nakipagpatintero ka sa buhay sanhi ng pandemya. Sa taong nagnilay batid nito ang transpormasyon sa kanyang loob at ang mga tanong na ipinupukol ay ikikibit balikat lang o ngiti ang isasagot.
Sa paglakad ng panahon ng pandemya malaki ang nawala sa kabuhayan ng bawat tao lalo na ang oportunidad. Ang mga tinamaan ng C19, halos sagad sa bulsa ang gastos at naubos maging ang naipundar upang maibalik sa normal ang kalagayan ng kalusugan at ng mismong buhay. Ang masakit nito ang mahawaan ang kapamilya na halos mag-agaw buhay na mas lalong dumagdag sa sakit at gastusin.
Sa insidenteng ito sa buhay ni Mang Juan, kinailangan maging mas maparaan upang malagpasan ang pagsubok sa mga araw na dumadaan. Sa totoo lang kulang ang ayuda ng pamahalaan sa pagtulong sa mga kababayan nating lubhang apektado ng pandemya. Ang mga C19 hospital na mismo’y talagang gumawa ng paraan upang mapag-abot ang dalawang dulo ng tali sa pagtitipid sa gamot at gamit.
At maging ang health workers na mismong tinamaan ng pandemya ang nangapa sa paghahanap ng gamot upang itawid ang kanilang buhay. Hindi sapat ang pangakong ayuda na binanggit ni Totoy Kulambo?
Patuloy ang pag-ikot ng buhay at salamat makalipas ang halos siyam na buwan sa ilalim ng pandemya, may mga positibong balita hingil sa bakuna na lalaban sa pandemya. Nariyan ang siyam (9) na kumpanya na naka-develop ng bakuna na dumaan na sa mga pagsusulit ng mga eksperto sa bansa.
Isa-isa nang nagpakita ng kalidad ng kanilang gamot ang mga Pharmaceutical Company upang masabi na mahusay at kayang pigilin ang pagkalat pa ng C19. Masaya na si Juan Pasan Krus sa kaayusang ito dahil sa malayo’t madali’y mapipigil na ang pandemya at babalik na sa bagong normal ang buhay ng mga Filipino.
Kahit sa unang bahagi ng susunod na taon ito ilabas, buhay ang pag-asa na magkakaroon ng kalutasan ang problema ng C19. Dahil ang pagbabalik sa normal na kaayusan ng buhay ang magtutulak sa kabuhayan ng bansa na sa masigla nitong kalagayan.
Sa paglabas ng mga impormasyon hinggil sa bakuna, naglabas na si TK ng Executive Order 121 na nag-uutos sa FDA ng mabilisang pagtatasa sa mga bakuna na ini-offer sa pamahalaan upang magamit. Maganda ang paglalabas ng EO, subalit mukhang dito na magsisimula ang usapin kung kanino kukuha o bibili ang bansa ng bakuna?
Saan kukuha ng salaping gagamitin at magkano? Hinahanap ni Mang Juan ang IRR na magiging basehan ng pagbili ng bakuna at maalis ang kanyang pagdududa sa magiging transaksyon. Hindi lang usapin ito ng bisa o efficacy ng bakuna, usapin din ito ng tamang pagtustos sa pagbili nito.
Nariyan na itinalaga ni Totoy Kulambo ang isang Czar na tututok sa lahat ng bagay hinggil sa takbo ng bakuna na aangkatin ng bansa. Subalit mukhang si TK pa rin ang tumitimon dito at nagsasabi kung saan kukuha o bibili ng bakuna.
Walang pahayag ang Czar sa mga takbuhin ng negosasyon o bahagi ito sa likod ng negosasyon. Palamuti lang ba ang Czar sa aspetong ito ng bakuna upang masabi lang na talagang tinututukan ito upang matiyak ang kahandaan ng bansa? O’ baka may pang-ilalim pang negosasyon sa pagtukoy ng supplier ng bakuna, tanong lang po?
Sa mga press conferences na ginawa na, makikita at maririnig natin na inuusal na ni Totoy Kulambo na ang gawang Tsina o Russia ang aangkatin ng bansa. Kahit batid natin na ang pandemyang kumalat sa mundo’y galing sa Tsina at walang hakbang na ginawa ito upang sagutin ang mga perwisyong likha nito.
At kung babalikan natin, hindi ba kataka-taka na kahit wala pang material development hinggil sa bakuna na galing sa Tsina mayroon na itong nasa-isip kung saan aangkat? Wala ng hinintay na mga pahayag basta’t ang gawa ng Tsina ang dapat nating bilhin. Tama ba ito?
At walang pahayag dito ang FSA o ang Czar hingil sa efficacy ng bakuna galing Tsina kumpara sa walo (8) pang mga kumpanya na nag-offer ng kanilang bakuna sa bansa laban sa C19? Hindi ba natin mahintay ang mga eksperto na magsabi kung saan o sino ang dapat nating angkatan ng bakuna para kay Mang Juan?
O’ mananatili na namang bulag si Juan Pasan Krus sa likod ng negosasyon. Alisin ang duda sa isip ni Mang Juan sa transaksyong ito upang mapanatag ang kanyang kalooban. At ang nagtutulak nito ang sasangga sa anumang usapin lilitaw kapagdaka.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com