Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin sa pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumilala sa Diyos at hindi sumunod sa Magandang Balita ng ating Panginoong Jesus. Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan.”(2 Mga Taga-Tesalonica 1:6-9, the Holy Bible).
***
Patuloy na nangangamba ngayon ang mga kawani ng House of Representatives para sa kanilang kalusugan kung kaya’t umaapela ang mga ito sa Department of Health (DoH) na pansamantalang isara ang tanggapan habang nagsasagawa ng paglilinis at contact tracing nang magkaroon ng 98 confirmed cases mula noong Nobyembre 10.
Ayon sa isang kawani na tumangging magpabanggit ng pangalan, kamakailan lamang kinumpirma ni House Secretary General Dong Mendoza na mayroong 98 confirmed cases, ibig sabihin, mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 30, walang ginagawang contact tracing kaya malaki ang tiyansang magkaroon pa ng hawahan.
Nobyembre 4 nang mag-resume ang sesyon ng Kamara matapos ang break at sa loob ng mahigit dalawang Linggo naitala ang 98 confirmed cases.
Umaapela ang mga kawani ng Kamara kay House Speaker Velasco at sinasabing hindi biro ang 93 cases mula March hanggang October at 98 cases nitong buwan ng Nobyembre.
Iminumungkahi nilang baka kailangan munang isara at magkaroon ng disinfection at hinihingi din nila ang transparency ng House Leadership.
Pakiusap nila na huwag pagtakpan ang mga naging lapses, bago pa man may mamatay muli sa COVID sa loob ng Kamara kung saan 3 mga empleyado at 2 ang mambabatas na nasasawi.
Bakit nga naman ngayon lang sila nagre-report, samantalang ang laki na ng kaso?
Kinailangan pang kalampagin ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang House of Representatives sa kanilang late reporting ng COVID cases at kamakailan lang din ipinalabas ng tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pag-amin nitong mayroong 98 confirmed cases ang Kamara, na base sa resulta ng isinagawang mass testing, subali’t hindi nito idinetalye kung ilan ang mga apektadong kawani at ilan ang mga mambabatas.
Ang 98 confirmed cases ay hindi naka-report sa QC-CESU na paglabag sa itinatakdang 24 oras na reporting ng mga COVID cases kaya aminado ang virus surveillance unit ng lungsod na mahihirapan na sila sa gagawing contact tracing lalo na at lumipas na ang 20 araw.
Ayon kay QC-CESU Director Dr. Rolly Cruz tanging 40 cases lamang ang kanilang nasa listahan na pawang nagself-reporting, ang mga nai-report na kaso na ito ang siyang dahilan kung bakit nila kinalampag at hinihingan ng report ang Kamara dahil wala itong isinusumite sa tanggapan.
Isinisi naman ng mga kawani ng Kamara ang paglobo ng mga kaso ng COVID cases sa ahensya sa hindi istriktong pagsunod sa quarantine protocol mismo na rin ng mga House Leaders.
Tinukoy ng mga ito sina Speaker Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol nang patuloy pa rin itong pumapasok sa Kamara sa kabila ng kanilang exposure sa COVID positive na si TESDA Chair Isidro Lapeña.
Sinabi ni Romero na nagnegatibo sila sa test matapos na ma-exposed kay Lapeña ngunit hindi naman ito sumailalim sa 14 day quarantine dahil nakita itong dumadalo sa mga hearing at courtesy call sa Kamara.
Ayon sa report, kasama ng mga House Leaders sa isang dinner sa Shangrila Taguig si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy Alumni noong Nobyembre 19 makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña subali’t hindi nag-quarantine ang mga House Leaders at noong Nobyembre 24 ay pinangunahan pa nina Velasco at Romero ang hearing ng Kamara sa epekto ng Bagyong Ulysses at Nobyembre 25 ay makikita sa website ng Kamara na tumanggap pa sila ng courtesy call mula kina Labor Sec. Silvestre Bello at PNP Chief Debold Sinas.
Bukod sa paglabag sa quarantine ay nilabag din ng mga House leaders ang guidelines ng DoH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering, maliban sa 5 House Leaders at si Lapeña ay kasama din sa dinner meeting sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Information Sec. Gregorio Honasan, Environment Sec. Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against COVID-19 Chief Carlito Galvez at Social Welfare and Dev. Sec. Rolando Bautista.
Sa ilalim ng 2020 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act o 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act malinaw na itinatakda sa Rule VI na “whether public or private, all are required to accurately and immediately report notifiable diseases and health events of public health concern” kung saan kabilang dito ang mga sakit gaya ng COVID na maitatala sa mga workplace o pinagtatrabahuhan.
Ang hindi tatalima dito ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong ng 1 buwan, subali’t kung ang offender ay isang public or private institution gaya ng Kamara, ang Chief o ang lider nito o si Speaker Velasco ang siyang magiging liable, kung saan ang maaaring ipataw na parusa ay pagsibak sa tungkulin.
***
SALAMAT O DIYOS SA MGA IPINAGKATIWALA MONG GAWAIN: Lubos po ang aking pagpapasalamat sa ating Diyos at Tagapagligtas, sa Pangalan Niyang Jesus, sa Kaniyang pagkakaloob sa akin ng pagpapala upang pangunahan ang mga gawain ng pagpapahayag at pagliligtas batay sa katotohanang Siya, si Jesus, ang Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.