Advertisers
MASYADONG maaga ipinakita ni Manny Pacquiao ang kanyang baraha. Inilunsad ng kampo niya ang Manny Pacquiao for President Movement. Sumumpa siya bilang bagong pangulo ng PDP-Laban, ang naghaharing partido. Alam na ng buong mundo ang kulay ng kanyang salawal.
Ikinakatakot namin na maging punching bag ni Mane habang naghahanda ang ibang lapian at pulitiko sa kanilang mga balak. Malamang kandidato ng Liberal Party si Bise Presidente Leni Robredo bagaman hindi pa nag-aanunsiyo. Sapagkat natisod si Alan Cayetano sa anomalya, hindi malayo na si Mark Villar ang kandidato ng Nacionalista.
Malamang sumabak bilang panggulo sa halalang pampanguluhan sa 2022 sina Ping Lacson, Grace Poe, at Bebot Alvarez na nabalitang sumapi sa Reporma, isang partido na natutulog sa nakalipas na 22 taon. Hindi sila mananalo ngunit kaya nilang humati ng boto.
Bantog na boksingero si Mane, ngunit hindi batid ng bayan ang tunay na pagkatao. Hindi alam ng sambayanan ang kanyang naging buhay, mga sakripisyo at paghihirap, at pinagdaanan upang marating ang rurok ng tagumpay. Hindi alam kung paano naging Kristiyano si Mane.
Maraming aspeto ng buhay ni Mane ang kailangang maipahayag sa madla upang mahusgahan siya kung karapat-dapat siyang iluklok sa pinakamataas na puwesto ng bansa. Kailangan maintindihan ang kanyang tunay na pagkatao at programa at plano kung sakaling siya ang ihalal na susunod na pangulo.
Ngayon, alam na si Mane ang may pinakamaraming pagliban sa Senado. Hindi siya kinakitaan ng gilas at lakas ng loob upang pumalaot sa paggawa ng batas. Kaya hindi malayo siya ang maging tampulan ng biro at maaanghang na salita. Punching bag, sa maikli. Paano na iyan?
Teka nga pala. Paano na si Sara Duterte o Bong Go? Paano ang Davao Group? Tatakbo ba sila o si Mane na ang kanilang kandidato? Alam naman ng sambayanan na feeling bida sina Sara at Bong Go. Basta iiwan na lang sila sa isang kanto?
Pumosisyon si Mane upang gulatin tayo pagdating ng panahon. Iyan ay kung hindi mamamatay si Rodrigo Duterte bago 2022. Paano kung biglang lumisan? Saan pupulutin si Sara at Bong Go? Kunsabagay, maraming salapi si Mane.
***
NAKAKAPANLUMO ang balita na isa sa mga kulelat ang mga mag-aaral ng Filipinas pagdating sa 3Rs – reading, writing and mathematics. Salat ang kakayahan upang pumasok sa middle school, o junior high school. Kulang ang natutuhan upang gawin ang susunod na tungkulin.
Ayon sa pag-aaral ng 2019 Southeast Asian Primary Learning Metrics, 27 porsiyento ng mga mag-aaral ng Filipino sa Grade 5 ang may kakayahan basahin ang isang salita; nasa 10 porsiyento naman ang maaaring makapagbasa. Marami ang hindi marunong bumilang. Malayo ang mga Filipino sa mga mag-aaral sa mga bansa sa Southeast Asia.
Kung ihahambing ang mga mag-aaral na Filipino sa mga mag-aaral ng Vietnam, malaki ang pag-iiba ayon sa pag-aaral. Hindi sapat ang kakayahan ng mga Filipino upang sumabak sa susunod na antas – ang hayskul. Hindi niya kaya ipahayag ang kanyang ideya sa pagsusulat; hindi niya kaya ang magbilang at bumasa.
Tanong: Paano na ang mga Filipino? Ganito na lang ba tayo? Walang malinaw na kinabukasan sa kanya? Paano ito sasabak sa isang mundo na lubhang nagiging kumplikado dahil sa mabilis na paggalaw ng teknolohiya?
***
HINDI naman nakakalungkot pagdating sa pag-aaral ng mga Filipino. Ayon sa isang balita, nangunguna ang mga Filipino sa paggamit ng social media. Kung ang isang Filipino ay umaabot edad 72, lampas 11 taon ang kanyang ginugugol sa social media. Ngunit hindi dapat tatakan na “adik” sa social media ang mga Filipino.
Lubhang palakaibigan ang mga Filipino kaya natural na mahumaling siya sa paggamit ng social media, ayon sa pag-aaral. Sana ito ang pumuno sa kanyang pagkukulang sa pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang. Hindi namin alam kung may pag-aaral na sa aspetong ito.
***
NOONG nakaraang Biyernes, muling inihalal ng mga sports leader bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee si Bambol Tolentino. Hindi malaki ang kanyang lamang sa katunggali na si Clint Arnas. Natapos ang bilangan sa 30-22, o walong boto na kalamangan.
Hati ang mga sports leader. Hindi malinaw ang mandando ni Bambol. Kahit anong oras, puede siyang suwagin ng mga sports leader. Hindi ganap na nakuha ni Bambol ang loob ng maraming sports leader dahil alam nila na sunod-sunuran siya kay Alan Peter Cayetano, ang sinibak ng ispiker na nagpatakbo ng maanomalyang 2019 SEA Games.
Hanggang ngayon, o lampas siyam na buwan na sa takdang petsa, o deadline, hindi nagsusumite ang grupo ni Cayetano ng audited financial report sa 2019 SEAG. Hindi malaman kung ibinulsa ni Cayetano ang malaking bahagi ng budget ng SEAG. Hindi malaman kung ano ang naging kapalaran ng napakalaking halaga.
Obligado si Cayetano na isumite ang financial report. Pera kasi ng sambayanan ang malaking bahagi ng ginasta sa 2019 SEAG. Ngunit mataray pa sa isang putang hindi binayaran si Alan Peter Cayetano. Nagpuputak na parang isang dalahira si Cayetano kapag tinatanong siya tungkol sa pera ng 2019 SEAG.
Patuloy na binibigyang proteksyon ni Bambol Tolentino si Cayetano pagdating sa usapin na ito. Pilit siya na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingian bagama’t trabaho niya ang obligahin si Cayetano na isumite ang audited financial report. Wala lang, para kay Bambol.
***
MGA PILING SALITA: “What for? To endorse corruption.” Wesley So sa tanong kung papayag siyang maglaro uli para sa Filipinas.
“It’s good that talks have shifted on the transition. It’s no longer on Donald Trump’s sickening claim that he won the elections.” – PL, netizen
“There’s more in early retirement of CJ Dado Peralta. The madman and Davao Group are unhappy. Dado couldn’t deliver victory of BBM’s protest against VP Leni and verdict re constitutionality of Anti-Terror Law. Peralta is in the quagmire. The more he moves, the deeper he sinks” – Gie Mendoza, netizen