Advertisers
Cagayan Valley – Dinakip ng pinagsanib na puersa ng militar at pulisya ang umano’y
finance officer ng CPP-NPA sa search warrant operation sa kanyang bahay sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan nitong Mierkoles, Dis. 2, 2022.
Ang dinakip sa operasyon ay si Amanda Socorro Echanis alyas Waya/Julian, 32-anyos, may-asawa, umano’y finance officer ng West Front, Komiteng Probinsya ng Cagayan (KOMPROB), Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (KR-CV) ng CPP-NPA na kumikilos dito sa lalawigan.
Nakuha kay Echanis, anak ng pinaslang na tserman ng militanteng grupong Anakpawis na si “Ka Randall” Echanis, ang isang caliber 5.56mm assault rifle, mga magazine ng M16 Rifle; 20 bala ng M16 Rifle at dalawang granada.
Nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of explosives si Echanis na kapapanganak palang nitong nakaraang buwan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng PNP Baggao.
Sa inilabas na pahayag ng Anak Pawis Party-List, hinuli si Echanis kasama ang kaniyang isang buwan gulang na anak.
Inaresto ang naturang opisyal ng CPP-NPA kasabay ng pagsalakay sa bahay ng Anakpawis Cagayan Valley Chairman na si Isabelo Adviento sa nasabi ring lugar. – REY VELASCO