Advertisers
INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Manila Police District (MPD) na posasan ang mga pasaway na mag-iinuman sa kalsada, maging ang mga hindi mapigil na nagtsitsismisan sa kabila ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Domagoso ang naturang kautusan sa directional meeting nitong Lunes, makaraang makatanggap ang alkalde ng mga sumbong ng ilang netizens sa social media hinggil sa mga nag-iinuman sa kalye.
Iginiit din ni Domagoso na mas magiging istrikto at lalo pang paiigtingin ang ipinatutupad na health protocol at mga ordinansa kasabay ng muling pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ng Metro Manila sa loob ng dalawang linggo mula nitong Martes.
Ipinagbabawal din ng alkalde maging ang “tsismisan” sa mga opisina at komunidad upang maiwasan ang posibleng COVID-19 transmission.
Pinuri naman ni Domagoso ang health sector ng pamahalaang lungsod ng Maynila sapagkat ang growth rate ng COVID-19 ay bumaba sa 78%.
Aabot sa siyam na lungsod sa National Capital Region ang tumaas ang growth rate mula 90% pataas. (Jocelyn Domenden)