Advertisers

Advertisers

IMBESTIGASYON NG “QUAD COMMITTEE” KAUGNAY SA SHABU SMUGGLING, MAY MAKUKULONG KAYA?

0 25

Advertisers

DIREKTANG idinadawit ng dating intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) na si Jimmy Guban ang mister at kapatid ni Vice President Sara Duterte, at si Michael Yang, ang adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa importasyon ng shabu.

Sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes sa Bacolor, Pampanga nitong Biyernes (Agosto 16), isinangkot ni Guban, sina Atty. Mans Carpio, Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, at Michael Yang sa nakumpiskang magnetic lifter kung saan itinago ang shabu na nagkakahalaga ng P11-bilyon noong 2018.

Binasa ni Guban ang isang affidavit sa pagdinig ng quad committee kung saan sinabi nito na ipinakilala siya ng isang negosyante kay Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera Jr. noong 2017 na nagpakilala bilang “business partner and trusted man” nina Rep. Duterte, Carpio, at Yang.



Si Yang ay nauna ng nadawit sa P3.6 bilyong shabu na nakumpiska sa warehouse sa Pampanga noong 2023.

Sinabi ni Guban na ilang beses hiniling sa kanya ni Abellera na “Luwagan mo ‘yang mga shipments na ‘yan, alam mo naman na kina Michael Yang, Pulong, at Mans ‘yan.”

Sa pamamagitan ng mga nakuhang intelligence report kaugnay ng smuggling, lumabas umano sa imbestigasyon ni dating police officer Colonel Eduardo Acierto ang mga kahina-hinalang shipment ng Vecaba Trading International, ang consignee ng magnetic lifter kung saan itinago ang shabu.

Inaprubahan umano ni BOC Commissioner Isidro Lapeña na pigilan ang pagpapalabas ng shipment ng Vecaba.

Lumabas umano sa balita ang pagkakumpiska ng shabu na itinago sa magnetic lifter at inimbestigahan ito ng Senate Blue Ribbon Committee. Sa naturang imbestigasyon ay na-cite in contempt umano siya at nakulong sa Senado.



Habang nakadetine, pinuntahan umano siya ni Paul Gutierrez na sinamahan ng isang staff ng Senado. Pinagbantaan umano siya ni Gutierrez.

Sa isang insidente, sinabi ni Guban na nakatanggap ito ng tawag sa mula sa opisyal ng BOC na si Lourdes Mangaoang kaugnay ng shipment ng Vecaba.

Tinanong umano ni Mangaoang si Guban kung “Anong magagawa dyan sa shipment na `yan, kina pareng Benny Antiporda `yan,” na ang tinutukoy ay si dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda.

Sa takot umano ay hindi sinabi ni Guban ang totoo sa Senado.

Noong 2023, si Guban ay hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong at multang P500,000 ng Manila Regional Trial Court sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala itinanggi naman ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio ang mga alegasyon ni Guban na sangkot siya sa smuggling ng ilegal na droga. Ayon kay Carpio, walang basehan at hindi totoo ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Kumpiyansa din si Carpio sa abilidad ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na matukoy ang claims ni Guban na nagsasangkot sa kaniya at kay Davao City 1st district Cong. Paolo “Pulong” Duterte na pawang politicaly motivated lamang.

Nauna na ring sinabi ni VP Sara na itinuturing niya bilang political harassment ang mga alegasyon laban sa kaniyang asawa at kapatid.

Iginiit naman ni dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda, puro kasinunalingan at hindi suportado ng mga ebidensya ang mga pahayag ni Guban.

Ayon kay Antiporda, hindi niya kilala si Guban at hindi rin niya personal na kakilala sina Michael Yang, Mans Carpio at Polong at walang pagkakaton na nakipag-ugnayan siya sa mga ito.

Diin pa ni Antiporda, kung nasusuklam siya sa korapsyon ay higit sa ilegal na droga.

Naniniwala naman si Presidential Task Force On Media Security Undersecretary Paul Gutierez na ang mga sinabi ni Guban ay kasinungalingan at isinubo lang sa kanya.

Ang malaking tanong, sigurado bang may makukulong rito o wala?

Subaybayan natin!

***

Suhestiyon at reaksyon tumawag sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com