Advertisers
PATAY ang magpinsan habang sugatan ang isa pa matapos silang pagbabarilin ng kanilang ka-lugar na hindi nila inaya sa inuman sa Iloilo City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rolly Herida, 45; at Alberto Herida, 43, kapwa ng Sitio Nabitasan, Barangay Tipacla, Ajuy, Iloilo. Nasugatan naman ang isa pa nilang pinsan na si Primitivo Herida, 65.
Nakatakas ang salarin na si Romeo Balino Jr., 37, bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Sa report, naganap ang insidente gabi sa bahay ni Primitivo.
Ayon sa ulat, bago ang insidente nagkita ang mga biktima at salarin sa isang tindahan at parehong bumibili ng alak.
Habang nagbabayad ng kanilang biniling alak, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang salarin at magpipinsan. Tapos biglang bumunot ng baril ang una at itinutok sa mga biktima pero naawat ng may-ari ng tindahan at kinumpiska ang armas ni Balino.
Umalis na ang mga biktima at nagpatuloy sa inuman sa bahay ni Primitvo.
Makalipas ang ilang minuto, kinuha ng salarin ang kanyang baril sa may-ari ng tindahan at sinundan ang magpipinsan saka pinagbabaril ang mga ito.
Sa report, nagalit umano si Balino sa magpipinsan dahil hindi siya inimbitahan sa inuman kaya mag-isa nalang itong uminom.(PFT team)