Advertisers
Nakipagpulong si Senate President Francis Chiz Escudero sa magnificent 7 na kinabibilangan ng pitong transport group na pabor sa PUV modernization program kung saan nilinaw niya sa mga ito na hindi suspensyon sa programa ang resolusyon ng senado.
Nilinaw ni Senador Escudero sa grupo na hindi suspensyon sa programa ang layunin ng resolusyon ng senado kundi suspensyon sa 16 percent na hindi parin nakakapag consolidate sa programa at hindi pa handa ang route plan.
Iginiit ni Escudero na layunin ng kanilang resolusyon na ang mga hindi pa nakukumbinsi ng gobyerno ay huwag hulihin at ideklarang kolorum ang mga hindi pa nakakapag comply.
Aniya ang 83 percentage naman na nakapag comply sa programa ay dapat lamang na magtuloytuloy at hindi dapat masuspinde ang PUV modernization program.
Sa ngayon aniya tinitingnan ng mga senador ang humigit sa 16 na porsyento kung paano nila ito makukumbinsi na sumama ng hindi nagkakaroon ng takutan .
Kaya nais aniya rin ng pangulo ng senado na pulungin ang 16 na porsyento ng transport strike na kinabibilangan ng manibela at piston para madinig din ang kanilang hinaing.
Nagpasalamat naman ang magnificent 7 kay Senador Escudero at nalinawan na aniya sila na hindi layunin ng senado na suspendihin ang PUV modernization program taliwas sa kanilang inaakala.
Ang magnificent 7 ay kinabibilangan ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators. (CESAR MORALES)