Advertisers
Ni CRIS A. IBON
SIYAM na indibidwal ang pinangalanan ni Senador Raffy Tulfo noong nakaraang taon na sangkot sa laganap na smuggling at “paihi” na itinuturing na isang economic sabotage sa bansa.
Pinuri naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa paggunita ng ika-123 taon pagkatatag ng Philippine National Police ang matagumpay na kampanya ng pambansang pulisya laban sa kriminalidad lalo na sa smuggling.
Hinimok ng Pangulo ang pulisya na suportahan si PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, upang ganap na malupig ang illegal gambling, smuggling, private armed group, human trafficking at iba pang uri ng krimen.
Ilang buwan pa lamang ang nakaraan ay inilunsad ni PBBM ang ‘Bagong Pilipinas’, na ang layon ay mabago ang mga kalakarang dahilan ng grabeng korapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon naman sa Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB), isa sa mga nagpapahirap sa bansa ay ang walang takot na operasyon ng sindikatong sangkot sa smuggling ng iba’t ibang produkto, at “paihi” o “buriki” dahil sa proteksyon ng mga nasa poder na may police power, ‘pagkat tuwirang nagpapaalipin ang marami sa mga ito sa mga smuggler tulad ng “Violago Group” na sangkot din sa kalakalan ng mga iligal na droga.
Nanawagan ang Pangulo na pangalanan at sibakin sa puwesto ang ilang port officials, PNP, NBI, Customs at iba pa na protektor ng sindikatong grupo.
Sinabi ng MKKB na ang Violago Group ang maituturing na pinakamalaking financier/operator ng paihi, na operasyon ay umaabot sa mga lalawigan ng CALABARZON mula sa mga pinagmulan ng mga itong bayan ng Meycauayan, Bulacan; Mariveles at Limay, Bataan; at iba pang panig ng Region 3.
Ang malalaking kuta ng Violago Group ay ang paihian/burikian sa Barangay Bancal, Carmona City, Cavite na pinapatakbo ng isang “Amang”.
Deka-dekada na ang malaganap na pagnanakaw ng naturang sindikato ng mga petro-product at iba pang mahahalagang produkto ngunit ‘di ito malansag ng PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies.
Maging ang taal na Caviteño na si Justice Secretary Crispin Remulla at ang kapatid nitong Cavite Gov. Junvic Remulla ay wari’y taas narin ang mga kamay sa sindikato nina Violago, pati na si Cavite PNP Provincial Director Colonel Eleuterio Ricardo, Jr.
May mga kuta pa ng paihian sina Violago sa lalawigan ni Quezon Gov. Angelina “Helen” Tan. Ang mga ito ay matatagpuan sa hurisdiksyon nina Lucena City Mayor Mark Don Victor Alcala at Police chief Col. William Angway Jr.
Nakunan ng photographer ng Police Files Tonite ang mga kuta ng dummy ni Violago sa Lucena City, isa sa mga ito ay si alyas “Amigo” na naglulungga sa Ecotourism Road, Brgy. Ibabang Talim; Troy sa Bry. Salinas; at Bong sa Brgy. Isabang.
Ang isa pang grupo na kinakapitalan ng Violago syndicate ay ang burikian nina Sammy at Alfred sa Brgy. San Luis, Guinyangan, sakop ni Quezon PNP Provincial director Col. Ledon Monte.
Hindi parin tinitinag nina Lucena City Police chief Lt Col. Angway Jr. ang mga kuta ng buriki sa kanyang area of responsibility (AOR).
May paihian din ang Violago Group sa may gate ng Batangas City Pier, Brgy. Sta. Clara na pinapatakbo ng isang PNP Colonel at ng “Sgt. Buloy”. Ang colonel na ito ay dating superior officer ni Batangas PNP Provincial director Col. Jacinto Malinao Jr., ayon din sa MKKB.
May ino-operate din ang sindikato sa boundary ng mga bayan ng Lemery at Taal, sakop ni Mayor Fulgencio Mercado at Taal Police chief Capt. Rommel Magno.
Ang operasyon ng paihi ay inumpisahan ng isang “Panong” sa Mariveles. Nang mamayapa si Panong ay sinalo ang operasyon nito ng Violago, kasosyo ang isang “Malyn”.
Sa galing ng pakikisama ni Malyn sa mga awtoridad ay napalaki at lumawak ang paihi operation ng mga ito, na ngayo’y multi-billion illegal business.
Sa gitna ng kampanya laban sa iligal na droga ni dating President Digong Duterte, lumutang ang pangalan ng isang alyas “Goto” na isa sa maimpluwensyang personalidad sa Violago Group na pinangalanang “drug lord” sa Region 3 at Metro Manila.
Gamit ni Goto ang kanyang Chinese connection sa petroleum at agri products smuggling, naisulong ng kanilang grupo ang malawakang drug trading sa Bulacan at iba pang bahagi ng Region 3 at Metro Manila.
Hindi malayong mapalaganap din ang drug trade ng Violago Group sa buong bansa kapag ‘di ito nasupil ng administrasyong Marcos Jr., diin ng MKKB.
Naungkat ang koneksyon sa paihi, smuggling at drug trade ng Violago syndicate kasunod ng paglubog ng tatlong barkong hinihinalang gamit ng naturang grupo sa smuggling ng petro products at paihi operation.
Kasalukuyan nang iiimbestigahan ng DoJ ang pagkakasangkot ng naturang lumubog na mga barko sa “paihi” business.