Advertisers
PINAREREPASO ng Philippine National Police (PNP) ang mga nakaraang kampanya laban sa iligal na droga, layuning magkaroon ng malinaw na gabay kung paano isasagawa ang ‘recalibrated drug war’.
Ayon kay PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, kasama sa “comprehensive review” ang mga ipinatupad ng nakaraang administrasyon, kabilang ang ‘Oplan Double Barrel’ at ang mga nauna nitong operasyon.
“The review is aimed at evaluating their effectiveness and identifying both strengths and weaknesses. This initiative aims to further enhance the PNP’s recently recalibrated anti-illegal drugs campaign,” ani Marbil.
Sa datus ng PNP, mahigit 6,000 “drug users” ang nasawi, habang libu-libo pa ang napatay ng drug war-inspired vigilante groups sa nakaraang administrasyon.
Sa ilalim ng kasalukuyang recalibrated drug war, sinabi ni Marbil na maglalagay ito ng premium sa pagsagip ng maraming buhay, upang matiyak na ang paggamit ng baril ay palaging magiging huling paraan.
Bubuo ang review panel ng mga kinatawan mula sa Office of the Deputy Chief, PNP for Operations (TDCO) at isasama ang mga kinatawan mula sa PNP Quad Staffs—binubuo ang Operations, Investigation, Intelligence, at Police Community Relations—pati na ang Internal Affairs Service. (IAS) at ng PNP Human Rights Office.
Sinabi niya na ang mga alituntunin na nagbabalangkas sa mga tungkulin ng review panel, kasama ang deadline para sa pagsusumite ng mga natuklasan at rekomendasyon nito, ay idedetalye sa isang memorandum na ilalabas sa lalong madaling panahon.