Advertisers
NAIS paimbestigahan ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers ang diumano’y “moro-morong” raid ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa compound ng Kingdom of Jesus Christ para hanapin ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Barbers, kailangang sagutin at magpaliwanag ni NBI Region 11 Director, Archie Albao, patungkol sa ibinabatong akusasyon laban sa kanya na isang moro-moro lamang ang ginawa nitong raid kamakailan sa compound ni Quiboloy.
Sabi pa ni Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, maging ang netizens ay mayroong kahalintulad na reklamo at kritisismo kung papaano isinagawa nina Albao ang raid na mistula umanong pawardi-wardi lamang ang mga tauhan ng NBI habang hinahalughog ang buong compound.
Dahil dito, paliwanag pa ng kongresista, hindi maiiwasan na magkaroon o kaya’y mabahiran ng pagdududa ang ipinakitang aksiyon ng grupo ni Director Albao sapagkat parang wala sa kanilang loob o hindi talaga sila seryoso habang isinasagawa ang raid na ang layunin ay hanapin ang puganteng Pastor.
“Mabigat ang akusasyon kay Director Albao. Mahalaga na maimbestigahan ito para malaman natin ang katotohanan tungkol sa isyung ito. Ayaw natin magbigay ng ating conclusion dahil kailangan natin marinig ang anomang sasabihin ni Director Albao,” sabi ni Barbers.
Dagdag pa ni Barbers, maraming kailangang ipaliwanag si Albao sa Kamara de Representantes kabilang na ang akusasyon laban sa kaniya na malapit siya o ang may “close ties” kina Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna rito, inakusahan ng dating KOJC Pastoral at key complainant na si Arlene Stone si Albao na malapit kina Quiboloy at Duterte. Kungsaan, si Stone din ang nagpapatunay na isang “scripted” ang raid sa compound ni Quiboloy.