Advertisers
KUNG patuloy na babalewalain nina Quezon PNP Provincial Director Col. Ledon Monte ang mahigpit na tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na paigtingin ang kampanya laban sa kriminalidad ay lalong magiging kampante sa pagkukuta sa lalawigan ng Quezon ang sindikatong pinamumumuan ng Violago Group na may nabuong malaking grupo na kasalukuyang nagkukuta sa lungsod nina Lucena Mayor Mark Don Victor Alcala at Guinyangan Mayor Ma. Maridien Isaac.
Kaalinsabay sa pagdiriwang ng ika-123 taon na anibersaryo ng pagka pagtatag ng Pambansang Kapulisan kamakailan ay binigyang diin ng Pangulo ang paglulunsad ng kampanya laban sa private armed group at makatotohanang drug war.
Malaking pagkakaiba ang kampanya laban sa kriminalidad ni PBBM, lalo na sa kontra-droga, taliwas sa madugong kampanya ni Digong na mahigpit na kinondena ng samahan ng nagkakaisang bansa na tagapagtaguyod ng Karapatang Pantao.
Kasama sa kanyang marching order kay PNP Rommel Francisco Marbil ay iniutos din ni PBBM ang crackdown laban sa smuggling at pagpapaigting ng patrol operation sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga pulis sa tinatawag na crime-prone areas.
Ang lalawigan ni Quezon Province Governor Angelina “Helen” Tan ay isa sa “mainit sa mata” ng mga kritiko pagkat isa ang naturang lalawigan sa matagal nang iniuulat na pinagkukunan ng notoryus na sindikatong Violago group.
Ang Violago Group ay notoryus hindi lamang sa smuggling ng petroleum at agricultural product kundi pasimuno din ang mga ito sa malakihang operasyon ng buriki o paihi na tinatawag ding patulo o paawas ng oil at petroleum product at pagpapasingaw ng Liquified Petroleum Gas (LPG).
Ang mga hayag na kuta ng sindikatong kinakapitalan ng Violago Group ay ang inooperate ni alyas Amigo sa Ecotourism Road, Brgy. Ibabang Talim; Troy sa Brgy. Salinas at Bong sa Brgy. Isabang, pawang sa hurisdiksyon ni Mayor Alcala at Police Chief LtCol. William Angway Jr.
Ang isa pang kuta ng Violago Group sa lalawigan ni Gov. Tan ay sa Brgy. San Luis, sa bayan ng Guinyangan na minamaneobra ng mag partner na Sammy at Francis.
Dahil garapal at hayag ang operasyon ng mga nabanggit na sindikato ay nakunan pa ng larawan ng ating KASIKRETA ang kuta ni alyas Amigo, na tulad nina Troy at Bong ay pawang may ipinagmamalaking “pamato” na isang heneral.
Ayaw na ayaw ni Gob. Tan na pagkutaan ang kanilang lalawigan ng mga ilegalistang buriki group at katunayan noong nakaraang mga taon ay paulit-ulit ang pagbibigay babala nito na huwag pamahayan ang kanyang lalawigan ng mga naturang iligalista.
Papaanong nakalusot ito sa pang-amoy ni PD Col. Monte, gayong naglisaw at araw-araw na dumadaan sa Ecotourism Road, mga barangay ng Sabang at Salinas ang kanyang mga intel operatives? Nakalusot nga lamang kaya o sadyang pinalusot ang mga salot na buriki group?
Bukod sa mga kuta sa lalawigan ni Gov. Tan ay may pwesto din ng burikian ang Violago Group sa Carmona City, Cavite na pinopostehan ng isang alyas Amang na deka-dekada nang nag-ooperate sa siyudad ni Mayor Dahlia Loyola.
May kuta din sina Delzon Adik alyas Etring, Efren at ang nasibak na Calamba City Police na si alyas Roy sa kahabaan ng highway na nag-uugnay sa Lemery-Taal sakop ni Mayor Fulgencio Mercado at Taal Police Chief Capt. Rommel Magno.
Tiyak na hindi kukunsintihin ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil ang mga ito lalo kung may kinalaman dito ang kanyang matataas na opisyales at mga tauhan.
Sa ilalim ng administrasyon ni PBBM ay tatlong heneral at 15 colonel na kabilang sa tinatawag na third level officer ang pinag-resign sa kanilang mga pwesto. Sana hindi matulad sa naging kapalaran ng mga ito si Quezon PD Col. Monte?
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144