Advertisers
NAIS ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na buwagin na ng pamahalaan ang Philippine International Trading Corporation (PITC) dahil sa pagiging duplicate agency nito at paggamit ng pondo na dapat ay para sa gobyerno.
Ito ay kaugnay sa isiniwalat ng senador na P33 billion na pondo ang nakatago lamang sa bank account ng PITC. Inatasan ang nasabing kumpanya na tulungan ang mga negosyo at ahensya mula sa international trade at tiyakin ang mas mura at epektibong procurement services.
Pahayag ng senador, maliwanag daw sa report na inilabas ng Commission on Audit (COA) na ang nakatabing pondo sa PITC ay ginagamit para sa suweldo, bonus at kanilang operasyon.
Kung hindi aniya isasama ang interes na kinita sa money market na hindi naman dapat sa PITC ay kulang ang kanilang kinikita mula sa iba’t ibang sources para bayaran ang kanilang operating expenses.
Naniniwala naman si Sen. Panfilo Lacson na mayroong “duplication of functions” dahil mayroon ding sariling procurement service at ahensya ang Department of Budget and Management (DBM).
Sa ngayon ay nagpadala na ng sulat ang Department of Finance (DOF) sa DBM para hikayatin si Pangulong Rodrigo Duterte na utusan ang PITC na ibalik ang bilyong-bilyong halaga ng pera sa national treasury.