Advertisers

Advertisers

‘Di lang pampamilya, pang-sports pa!

0 542

Advertisers

Family values at integrity sa sports journalism ang dalawang mahahalagang aral na natutunan ng mga sumubaybay sa Boomers Banquet noong Sabado ng umaga.

Tinampok sa vlogcast natin nina Bob Novales at George Boone ang pamilya Trinidad. Ang sarap ng mga kwento nina sportcaster/tv reporter Chino Trinidad at ang kanyang mga magulang na sina columnist/writer Recah at photo journalist Fe.

Diniin ni Chino ang kahalagahan ng kanyang ama’t ina sa kanyang buhay kaya hanggang ngayon ay malapit na malapit sila sa isa’t isa. Yan ay figuratively at literally sa siyudad ng Mandaluyong kung saan nagmula ang kanilang mga ninuno.



“Hindi natatapos sa pagpapalaki at pagpaaral ang parenting,” paliwanag ng Sports Saksi ng GMA-7.

“Heto isang malaking angkan kami ngayon,” dagdag ng ex-PBL Commissioner.

Ayon naman kina Mr. at Mrs. Trinidad ay naipamana nila ang pagiging matapat sa propesyon lalo’t ang trabaho mo ay sa media.

“Ang importante ay hindi lang pangaral kundi ang maging mabuting halimbawa sa mga bunga ng inyong pagmamahalan,” wika ng manunulat sa likod ng Bare Eye na column.

“Kasama-sama ko si Chino noon sa mga sports coverage kaya nakikita niya na dapat ang dedikasyon sa propesyon mong napili,” dugtong ng kabiyak sa puso ni Recah.



Minsan naalala pa ni Chino na umaakyat pa ang kanyang nanay sa goal post para makakuha ng mainam na anggulo ang kanyang kamera.

Wala rin daw takot kanyang mga parent sa inihahayag basta’t nasa panig ng katotohanan. Oo raw kahit pa takutin o sampahan ng kasong libel.

Isa pang ibig iparating sa atin ng mga Trinidad ay ang pagmamahal sa sariling bayan. Duyan nga raw tayo ng magiting.

“Kaya inilunsad namin ang Pilipinas HD na isang television channel kahit magkautang-utang kami ng tatay ko,” eka ng dating panelist ng radio coverage ng PBA.

Dito mapapanood daw natin ang kabayanihan ng ating mga atleta noon at ngayon. Magsisilbi nga naman silang inspirasyon ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Muli pasasalamat natin kina Recah, Fe at Chino sa makabuluhang kwentuhan online sa You Tube at Facebook Live.

Sana ay dumami pa ang mga pamilyang Pinoy katulad ninyo.

***

Naghahanap pa ng sentro ang LA Lakers upang hindi gaano mapagod si Anthony Davis sa papel bilang singko.

Bagama’t yakang-yaka ni AD ang role pero mas nais niya ang kuwatro.

Nawala na kasi ang mga higanteng kakampi na sina Dwight Howard at JaVale McGee na kanilang mga rim defender.

Bagama’t nabingwit nila sa free agency sina Marc Gasol at Montrezl Harrell ay nagbabasakali pa sila ng available sa veteran minimum.

Nandiyan daw ang utol ni Marc na si Pau na dati na nagsuot ng purple at gold na uniporme. Pwede rin sina Ian Mahinmi at Thon Maker. Pwede rin sana sina DeMarcus Cousins at Aaron Baynes ngunit naunahan na sila ng iba. Sino kaya mabingwit nila?

***

Game 1 ng PBA Philippine Cup Finals napunta sa Barangay Ginebra. Hinuhulaan ni Tata Selo ay aabot ito sa Game 6 o 7 pa pero Gin Kings raw sa dulo yan. Agree ba kayo kay Tatang?