Advertisers
SEKTOR ng agrikultura ang prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago ito bumaba sa pwesto na magtatapos sa 2028.
Ang sabi ni Speaker Martin Romualdez, gagawin lahat ng House of Representatives upang tulungan ang Marcos Jr. administration na makamit ng bansa ang rice self-sufficiency bago matapos ang termino nito.
Nagsisikap ngayon ang Department of Agriculture (DA) and the National Irrigation Administration (NIA), upang makamit ang mas mabisa at produktibong sektor ng agrikultura.
“Lahat ng ito kino-converge natin para mas efficient ang paggamit ng pondo. Dati, ‘yung DA may programa, NIA may programa parang hindi nag-uusap. Pero, nag-uusap na tayo. So, we feel that sa puno’t dulo nito magkakaroon tayo ng rice self-sufficiency,” sabi ni Speaker Romualdez.
“So all-of-government approach, so ‘yung Department of Agriculture, National Irrigation Authority, NFA (National Food Authority), siyempre ‘yung buong executive, ngayon ‘yung legislative nag sama-sama na,” dagdag pa ni Speaker.
“Magco-constuct ang DPWH (Department of Public Works and Highways) ng mas maayos na CIS (Comprehensive Irrigation Systems), interconnected ito sa mga impounding para sa tubig, para kapag umulan may flood control na nag-aasikaso, mayroon ka nang patubig, mayroon ka pang reservoir, bulk water,” sabi pa niya.
Sino tinakot mo?….. e di mag-resign ka!
NITO lamang mga nakararaang araw, lumabas sa mga balita sa radyo, TV at dyaryo na handang mag-resign sa senatorial post si Senator Lito Lapid sakaling mapatunayang nagkasala sa pagkakasangkot sa nabuking na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) mismo sa pag-aari niyang 10 hectares na lupain na nakatayo ang 42 buildings ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. sa Porac, Pampanga.
Karaniwang ito ang katwiran kapag nabubuking sa iskandalo. Lumutang ang pangalan ni Senador Lapid makaraang sumabit umano siya sa operasyon ng POGO?
Magre-resign…. go ahead, do it! Wala ng paligoy-ligoy pa, gawin mo na! Tutal, wala rin namang pakinabang sa iyo ang taumbayan kundi panoorin ka sa TV series na “Batang Quiapo” at “Probinsyano.”
Sa Senate hearing, nakuha pang pabulaanan ng naggagaling-galingan senador ng isang ‘di-nagpakilalang blogger na nag-akusa sa kanya na pag-aari niya ang nasabing 10 hectares na lupain.
“Gusto ko patunayan dito sa hearing na ito na wala po akong kinalaman dito sa operasyon ng POGO at hindi po nakapangalan sa akin ang sampung hektaryang lupa dyan sa Pogong ‘yan,” sabi ni Lapid.
“Kung ako napatunayan nila na kasali ako dyan, pwede ako magresign bilang senador. Dahil hindi ko po papayagan na masisira ang pangalan ko rito,” dagdag pa ng magaling na senador.
Nakuha pang hamunin ni alias Pinuno ang National Bureau of Investigation na habulin ang vlogger na sumisira sa kanyang “malinis” na pangalan. Wheeee!
Kayo naman, nananahimik na nga ?t hindi umaaten sa mga sesyon ng senado si Senator Lito Lapid, ginugulo nyo pa!
Magsitigil nga kayo!
***
The Three Musketeers
DATING Pangulong Rodrigo Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte tatakbong senador sa 2025 mid-term elections.
Ito ang pagmamayabang na inanunsyo ni Vice President Sarah Duterte na tatakbong senador ang kanyang ama na si dating Pangulong Duterte at mga kapatid na sina Congressman Paolo Duterte at Mayor Baste Duterte sa darating na senatorial elections.
‘Wag na natin pag-usapan ang political dynasty dahil hindi naman o bale-wala yan sa mga politiko sa ating bansa. Basta kung kaya mong gumastos ng bilyong-piso, sige takbo walang pipigil sa ‘yo!
Bakit nga ba tatakbo ang pamilya Duterte sa Senado? Tiyak na matindi ang dahilan ng kanilang interes na mapabilang ang kanilang pangalan sa institutsyon.
Teka isip tayo ng posibleng dahilan.
Ah alam ko na, di kaya International Criminal Court (ICC)? Kapag nga naman nakakuha ng upuan sa Senado magkakaroon sila ng pangsangga sa ICC. To cut the story short, takot siguro makulong, period!
Sa isang ambush interview ng mga mamamahayag kay Speaker Martin Romualdez, sinabi nito na bahagi ng umiiral na demokrasya sa ating bansa ang pagnanais ng sinuman na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
Kahit sino naman talaga pwede tumakbo basta’t kaya ng bulsa mo!
Meron nga dyan kahit alam nilang wala silang panalo pero dahil gustong tumakbo, e hindi mo mapipigilan ang loko.
‘Ika nga, kanya-kanyang trip lang ‘yan. Walang basagan ng trip.
Sa tanong ng media kay Speaker kung may plano siyang tumakbo sa pagka senador? Mananatili na lamang daw siya sa kanyang distrito sa Leyte.
Good move Mr. Speaker!
‘Wag mo sayangin ang nalalabing termino na matatapos sa 2028 kasabay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ikaw ang masigasig na katulong ni PBBM upang maipagpatuloy hindi lamang ang mga legacy projects niya kundi pati na ang ibang proyekto na magbibigay lunas sa kahirapan ng sambayanang Filipino at mag-aangat sa ating ekonomiya.
Katulong mo si House committee appropriations chairman at Ako Bicol partylist Rep. Elizaldy Co at ang buong pwersa ng House of Representatives sa paglalaan ng pondo para sa mga proyekto ng gobyerno.
Eto ang maganda. Isang lehitimong kritiko ng pamilya Duterte, si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na itinutulak ng grupo ng retiradong guro na sumali sa senatorial elections.
Sabi ng grupo, panahon na raw para magkaroon ng kauna-unahang senadora na isang classroom teacher!
Well, wala akong masasabi kundi good luck na lang sa inyong lahat!