Advertisers

Advertisers

Pilipinas at Taiwan, gustong sakupin ng China?

0 31

Advertisers

KUNG ang malakas na bansang Australia ay hindi kinatatakutang boldyakin ng China, tayo pa na maliit, walang puwersa sa digmaan ang di-kayang durugin ng Beijing?

At mahirap paniwalaan ang argumentong ang nais lamang ng China ay ibilang na probinsiya niya ang Taiwan – na sa totoo naman noon – pero ngayon, isa na itong nagsasariling bansa kahit hindi pormal na naidedeklarang kasapi ng United Nations bunga ng One China policy.

Sa munting kaalaman ng inyong lingkod, dear readers, ang paniwala natin, kaya nais sakupin ng China ang Taiwan dahil sa nais nitong makuha ang mahahalagang kaalaman sa teknolohiya, siyensiya, IT at iba pang yaman ng Taiwanese.



Alam natin, napakahusay ng teknolohiya sa semiconductors ang Taiwan lalo ngayon tayo ay nasa modernong digital economy.

Bukod sa numero uno sa paggawa ng de-kalidad na tuwerka at turnilyo (bolts and nuts), numero ang Taiwan sa paggawa ng sophisticated microchip sa buong mundo at isa ito sa nais makuha ng China, at paano ito makukuha?

Kung masasakop ang Taiwan, maaangkin nito ang Taiwan Semiconductor Manufacturing Company (TSMC) at kung mangyayari ito, mahahawakan ng China ang kompanyang kaya gumawa ng pinamahusay na logic chips sa mundo!
***
Alam nyo bang mahigit sa 50% ng logic chips ay mula sa Taiwan at nahihigitan nito sa kalidad ang mga gawa ng kakumpetensiyang Samsung ng South Korea at maging ng gawang US?

Bunga ng matinding inggit at interes sa teknolohiyang logic chips ng Taiwan kaya gusto itong ng sasakupin ng China, at hindi totoo ang sinasabi na nais lang ng Beijing na pagkaisahin sa iisang bansa ang Taiwan at Beijing.

Kapangyarihang makapaghari sa digital technology ang nais ng China – sa totoo lamang.



Ilang ulit na ngang tinangka ng Beijing na hikayating bumalik sa kanila ang gobyernong Taipei na nabigo at dahil dito, kung sa kasabihan natin:? Kungdi makuha sa matimtimang usapan, dadaanin na sa brasuhan!

At ‘yan ang ginagawa ng China sa atin: brasuhan sa kabila ng ating mahusay na pakikipagkaibigan! ***
Maliit na bahagi lang ang napakayamang mga isda sa WPS ang nais maangkin ng China, sa ating paniniwala.

Maraming pag-aaral nang ginawa na multi-bilyong tonelada ng bukal ng de-kalidad na langis ang mayroon ang WPS, bukod dito ang deposito ng natural gas at iba pang mineral.

Panahon pa ni dating President Ferdinand ‘Macoy’ Marcos Sr. marami nang foreign investor ang nais na bungkalin ang deuterium o hydrogen water na nakadeposito sa ating katubigan na mas mahusay na pamalit sa langis, LPG at iba pang likidong mineral na mapagkukunan ng enerhiya.

Ayon sa pag-aaral, kung mamimina ang hydrogen water, maitatala ang Pilipinas na pinakamayamang bansa sa buong mundo – higit na mas mayaman sa mga bansa sa Middle East.

Ang kayamanan ng kalikasang ito sa ating karagatan ay alam ng China, ng US, Canada at iba pang bansa sa Europe.

Nakapaglalaway, katakamtakam kung sa pagkain ang hydrogen water at ng bilyon-bilyong toneladang bariles ng langis ang nasa WPS!

Katunayan, noong panahon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino (PNoy), nagkaroon na ng kasunduang joint exploration ang China at iba pang bansa para minahin ang depositong langis, natural gas at iba pang mineral sa WPS at sa iba pang bahagi ng ating karagatan.

Hindi na natuloy ang balak na oil exploration na ito na siya ngayong tinatarget ng China, US, Canada, Russia at iba pang industrialisadong bansa.
***
Tama na magprotesta tayo, pero hindi lang sa salita dapat tayo maging matapang kundi ang palakasin natin ang sariling militar at magbuo ng malakas na alyansa laban sa di-mapigil-pigil na pandadarag ng China.

Tama ang hakbang ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maging matatag sa pakikitungo sa patalikod na pambibira ng China.

Tama rin ang mga hakbang ni PBBM at kanyang mga opisyales ng militar na palakasin, dagdagan at patatagin ang puwersa militar.

Yung mga ginawang pandarahas, bullying o pandadarag ng China sa ating mga coastguard na naghatid lamang ng supplies at pagkain sa ating mga sundalong nakaguwardiya sa BRP Sierra Madre na nakabahura sa Ayungin Shoal sa Palawan etc.

Yung tangkang palubugin ang ating sea vessel habang naghahatid ang ating coastguard sa mga sundalong nakaguwardiya ng supplies at pagkain nang paulanan ba naman ng water cannon.

Noong halos bulagin ng Chinese Coast Guard (CGG) ang PH Coast Guard noon na ginamitan ng laser gun nang maghatid din ng pagkain at supplies sa mga tao natin sa BRP Sierra Madre.

Ang lahat ng ginawang ito ng China sa atin ay senyales nang pagpapakita na kayang-kaya nila tayong sakupin.

Taiwan, Pilipinas: kung masakop ng China, tuloy-tuloy na ang banta nito sa buong mundo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.