Advertisers
NAGTALAGA ang Archdiocese of Manila ng tatlong miyembrong panel para mangasiwa sa operasyon ng St. Joseph Parish sa Gagalangin, Tondo, Manila.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Manila Archdiocese Chancellor Fr. Isidro Marinay na si Fr. Alfonso Valeza ay tinanggal sa kanyang puwesto bilang parochial administrator ng parokya simula Hunyo 3.
“Dahil sa kanyang patuloy na pagsuway sa Arsobispo ng Maynila sa kabila ng mga utos at babala, sinuspinde rin si Fr. Valeza sa paggamit ng mga faculties ng pari epektibo Hunyo 5, 2024. Kaya’t ipinagbabawal siyang mangasiwa ng mga sakramento. Ang anumang sakramento na kanyang pinangangasiwaan ay ipinagbabawal,” sabi ni Marinay.
Samantala, pinangalanan ng Archdiocese si Fr. Reginald Malicdem, Fr. Nolan Que, at Fr. Gilbert Kabigting bilang mga miyembro ng panel na naatasang mangasiwa sa parokya.
Umapela din si Marinay sa mga parokyano na igalang ang desisyon ng archdiocese.
“Hinihikayat namin ang mga layko ng St. Joseph Parish na sumunod sa desisyong ito at makipagtulungan sa pangkat ng administrasyon ng parokya,” aniya. (Jocelyn Domenden)