Mayor Honey at 5th Dist. Rep. Irwin Tieng pangungunahan ang groundbreaking ng Manila Cancer Center
Advertisers
PANGUNGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna at Congressman Irwin Tieng (5th district) ang groundbreaking ceremony sa darating na buwan ng gusali para sa itatayong Manila Cancer Center sa kabisera ng bansa.
Ito ang inanunsyo ni Tieng nang maging pa- nauhin sa MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) kung saan sinabi rin niya na nakakasama nila ng alkalde sa isasagawang groundbreaking si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, mga senior officials ng Congress at pati na ang mga Kinatawan ng Maynila sa Kamara at ilan pang mga opisyal ng lungsod.
Ang kauna-unahang MCC, ang siyang magbibigay ng kinakailangang serbisyo para sa mga may sakit na cancer nang libre.
Binigyang papuri ni Tieng ang pagiging generous ni Lacuna nang ilaan nito para sa itatayong MCC ang 2,000 square meters na lote.
Nabatid na ang MCC ay itatayo sa loob ng Ospital ng Maynila (OM) compound at ito ay ipapangalan sa yumaong dating Gov. Benjamin ‘Kokoy’ Romualdez, ama ni Speaker Romualdez.
Ang OM ay isa sa anim na public hospitals na mina-manage at pinatatakbo ng pamahalaang lungsod at nagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa lahat ng mga residente ng Maynila.
Ang planong limang palapag na gusali ng MCC, ayon kay Tieng, ay magkakaroon ng mahahalagang kagamitan na kailangan ng mga pasyenteng may cancer.
Sinabi pa ng Konggresista na dahil ‘di naman unlimited ang pondo ng MCC, magkakaroon muna ito ng CT scan at linear accelerator para magkaloob sa mga pasyente ng non-invasive radiation therapy.
“Libre po siya sa lahat ng Manilenyo,” pagbibigay diin ni Tieng.
Sa bahagi naman ni Lacuna, ay pinasalamatan niya si Tieng sa itatayong MCC at sa suporta nito sa kanyang administrasyon at sa hangarin nito na makapagbigay ng mas malawak na serbisyong pangkalusugan lalo na sa mga walang kakayahang tustusan ito. (ANDI GARCIA)