Advertisers
NAKUKULANGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kasalukuyang ranking ng mga pamantasan at kolehiyo sa Pilipinas sa 2024 Asian University Rankings.
Ang pahayag ay ginawa ni PBBM sa National Higher Education Day Summit ng Commission on Higher Education (CHED) na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City nitong Miyerkules ng hapon, Mayo 15.
Ayon sa Pangulo, marami pang kailangang gawin upang makapasok ang mga unibersidad sa bansa sa top 100 rankings sa Asya.
Ipinunto ng presidente na ang mga kilalang top schools sa bansa ay patuloy na bumababa o hindi umaangat sa kanilang standing na nagpapakita ng pangangailangan ng mas maraming pagsisikap.
“We must acknowledge that in the recent times, in the 2024 Asia University rankings, unfortunately, no Philippine university has reached the top 100, with the country’s top schools either dropping or maintaining their rankings. This just goes to show that much work is still to be done,” pahayag ng punong ehekutibo.
Dahil dito, kinakailangan aniya ng isang komprehensibong istratehiya upang mapabuti ang ranking ng mga unibersidad dahil ang edukasyon ang maghuhubog sa kinabukasan ng bansa.
Binigyang-diin pa ni Pangulong Marcos na mahalagang armasan ang kabataan ng tamang kasanayan upang makasabay at makaahon sa mabilis na pagbabago ng panahon at maiwasang mapag-iwanan ang mga ito.
“We must pursue a comprehensive and all-encompassing strategy that will turn this trend around. The state of our education today shapes the future of the nation. The battle to win the future is waged in today’s schools, where we should arm our young men and women with the right skills to not only survive but to thrive in a rapidly changing world that does not wait for anyone,” dagdag pa ng chief executive. (Gilbert Perdez)