Advertisers
By: CRIS A. IBON
‘NO take policy’, ibig sabihin ay bawal sa kapulisan ang tumanggap ng pera, anumang bagay o pabor mula sa mga ilegalista upang hindi makompromiso ang mandato ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang mahigpit na utos ng bagong talagang PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, pagka-upo nito sa pwesto noong unang linggo ng Abril.
Ngunit ang atas na ito ni Marbil ay hanggang direktiba lamang, sapagkat sa Region 4A CALABARZON area kungsaan ang mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay nababalewala at hindi nasusunod, ayon sa grupo ng Anti-Vice Crusader sa rehiyon.
Ang mga kaganapang ito ay nangyayari rin sa mga nasasakupan ng Region 1-3, Metro Manila at MIMAROPA. Ang vices tulad ng Small Town Lottery (STL) con jueteng bookies, lotteng, pergalan (perya na pulos sugalan), sakla at iba pang uri ng ilegal na sugal ay nagkalat sa bahaging ito ng Luzon, bukod pa sa smuggling ng petroleum products, buriki, paihi, patulo at paawas.
Ayon sa grupong Anti-vice crusader, gamit na gamit at gasgas ang pangalan ni Marbil ng mga “tong collector” na kilala sa taguring “kapustahan” na karamihan ay mga aktibo at retiradong pulis, at militar sa pag-ikot sa gambling dens. Ipinangingikil nila ng payola ang kauupo pa lamang na PNP Chief pati na ang pangalan ng ilang matataas na opisyales ng PNP Region 4A, CIDG at ilang CALABARZON provincial commander.
Sinabi pa ng naturang grupo, pinakamatindi ang operasyon ng pergalan ng nagpapakilalang mga kasapi ng asosasyong PIPA sa buong CALABARZON. May color games, drop balls, beto-beto, kalaskas, cara y cruz (tao-ibon), hi-lo at marami pang iba na prente rin ng drug pushing kungsaan ang shabu ay binebenta sa mga kunyari ay tradisyunal na peryahan. Ang malalaking pergalan sa Batangas ay nasa Lipa at Tanauan,Tuy, Lian, Lemery, Nasugbu, Rosario, San Juan, Malvar at iba pa.
Hiniling ng mga anti-vice crusader na ipaaresto agad ni Marbil ang grupong pinangungunahan ng isang MAGSINO na taga-Sto. Tomas City. Dahil kaladkad at ginagamit ng mga ito ang pangalan ng heneral pati na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa panghihingi ng lingguhang intelihensiya sa mga operator/financier ng pergalan at bookies.
Kabilang sa MAGSINO group ng CALABARZON ay ang isang Capt. Lloyd alyas DAVE, Sgt. Adlawan, Sgt. Calingasan, Gaston alyas Sgt. Panganiban, Sgt. Arguelles, Sgt. Ilao, alyas Chard Miravillas, Richard, Jamie at iba pa.
Ang mga nakabase naman sa Region 1-3 at NCR ay sina Tatay Parak, Bebet Aguas, Sgt. Delfin at Bryan. Kasama din ang mga pangalan sa ipinangongotong nina MAGSINO ay mga inosente at kilalang mamamahayag.
Sa kanilang ulat, hihigit pa sa 150 pwesto ng pergalan sa buong Region 4A na kabilang sa mga mananaya sa pasugalan ay mga menor de edad at ito’y mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Isang bagay na dapat pang ipabusisi ni Marbil ay ang nadiskubre ng anti-vice crusaders na si MAGSINO ay ginagamit din ng maimpluwensya at beteranang operator na kilala sa mundo ng pergalan business bilang “taga-dampot o collector” at nangunguna ang pangalan ng PNP Chief sa ipinangongolekta ng lagay.
Nadiskubre pa ng anti vice crusaders na kaya pala hindi masupil ang operasyon ng STL bookies, pergalan at sakla lalo na sa malalaking siyudad sa rehiyon ay dahil sa may lihim na utos ang ilang matataas na opisyales ng pulisya na huwag ipatitigil ang operasyon ng mga ito sapagkat milyones ang naibubulsa nila mula sa protection money ng mga operator, karamihan ay mga big-time na tulak ng droga.
Ipinagbabawal na hulihin ang mga ilegalista sa Lipa, Tanauan at Sto. Tomas, Batangas, Calamba, Sta. Rosa, San Pedro, Binan, Cabuyao, San Pablo, Sta.Cruz, Liliw, Bay, Pagsanjan, Lucena, Tayabas, Guinyangan, Candelaria, Antipolo, Dasmarinas, Bacoor, Imus, Naic, Noveleta, Maragondon, Amadeo, Magallanes, Baillen, Tagaytay, Cavite City, Imus at iba pa.
Halos lahat na gambling/drug traders ay kinilala ng anti-vice crusaders, ngunit ilan pa lamang ang pinangalanan tulad ng “Big 4” ng Lipa City na kinabibilangan ng isang Ana Tomboy, Gary, alyas Kap. Ronald ng Brgy. Sabang, alyas Kap. Randy ng Brgy. Sulok, Icaro G., Macoy Recto at Topher Taba ng Poblacion.
Binanggit ang lider na isang Ocampo kasama sina Kon Burgos, Cristy, Gerry ng Balele, Gerry ng Trapiche, Dimapilis, Ablao, Melchor, Lawin, Rodel, Berania, Dexter sa mga notoryus na drug/gambling group ng Tanauan City. Nag-ooperate din si Ocampo ng sakla sa Brgy. Bagbag, Tanauan City at STL bookies sa 13 barangay ng bayan ng Balete.
Isang Ricalde ang maintainner ng STL bookies con droga sa mga bayan ng Lemery at San Luis, Mandy at Maricel ng Taal, Willy Bokbok ng Nasugbu na bukod sa STL bookies ay operator pa ng may 20 sakla den na pawang may shabuhan sa bayan ng Nasugbu.
Ayon pa sa Anti-vice crusaders, kapayola rin ang ilang alkalde at iba pang local officials sa mga naturang ilegalidad.
Ang iba pang malalaking kapitalista ng bookies sa Lipa City ay sina Ka Carling, Maliwanag alyas Kap Fernan, Kap Wanita at marami pang iba. Ang nagpapatakbo naman ng mga saklaan sa naturang siyudad ay si alyas Ornok. Sa mga kailegalang ito ay wala namang aksyon sina Batangas Provincial Director Col. Samson Belmonte, Quezon Provincial Director Ledon Monte, Cavite PD Col. Eleutero Ricardo Jr., Rizal PD Col. Felipe Maraggun at iba pang mga police chief. May karugtong.