Advertisers

Advertisers

Taktikang Vietnam sa South China Sea

0 4,462

Advertisers

KUMPARA sa Pilipinas, mas malakas ang depensa militar at naval ng Vietnam kontra sa South China Sea (SCS) dispute, at ang Hanoi ay “biktima” rin ng pambu-bully ng China.

Tulad ng Pilipinas, nakikipag-usap din ang Vietnam sa US upang mas mapalakas pa ang depensa nito sa mga bansang nais na ito ay kubkubin.

Pareho ang Vietnam at Pilipinas na sinakop ng US, pero ang pagkakaiba, tinalo ng sinasabing “mahinang Vietcong” ang armas nuklear ng US sa loob ng may 30 taon giyera — na hanggang ngayon, malaking kahihiyan ng Washington sa ipinagmamalaki nitong kisig at talino sa pakikidigma, at ng kanilang state-of-art na missiles, warship, at magagaling na sundalong Kano.



Tayo, tulad din ng Vietnam, noon ng US-Philippine War ay nakatikim ng kalupitan ng imperialistang Kano sa maraming masaker sa mga inosenteng sibilyan, na pati ang mga babae, matatanda at bata ay hindi pinaligtas ng kanilang mga bala at bayoneta.

Mas maunlad ang Pilipinas noon, pero ngayon, masasabing mas maunlad sa larangan ng ekonomya, diplomasya at depensa militar ang Vietnam na dinurog ng mga bomba ng Pentagon.

Sa bullying ng China, pinalakas ng Pilipinas ang alyansa sa US, kasama ang Japan — na malupit na sinakop tayo — upang maging katulong sakaling tuluyang sakupin ng China ang Pilipinas, bunga ng tumitinding agawan sa teritoryo sa SCS na pinangalanan noong 2012 ni dating Pres. Noynoy Aquino na West Philippine Sea (WPS).

Pero iba ang Vietnam sa pagharap sa problema ng SCS dispute sa China: Wala ito ng Balikatan at EDCA sites na itinayo sa pagpasok ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Walang barkong US sa karagatan ng Vietnam na kaagaw nito ang China, na sa atin, balita, may submarino na ring nakapasok sa ating karagatan, bukod pa ang pag-iimbak ng armas nuklear sa mga EDCA sites, at balitang may itinatayong bomb shelter sa Batanes Island, malapit sa Taiwan, kuno ay paghahanda sa gagawin daw na paglusob ng China sa Taiwan.



Iba ang talino ng Vietnam sa problema nito sa China patungkol sa SCS: Tama, bukas ang Hanoi sa inaalok na tulong militar ng US pero maliwanag ang mensahe niya sa Washington: ayaw niya na makialam ito sa kung paano aaksiyon laban sa bullying ng China.

“Nonaligned foreign policy ang ipinatutupad ng Vietnam, ibig sabihin, bukas ito sa mapayapang pag-uusap sa kanilang hidwaan, habang patuloy naman na pinalalakas ang kanyang martime claims.

Sa pagpapalawak ng nasasakop na teritoryo sa kaagaw na parte ng SCS, iniiwasan ng Vietnam na masira ang maayos na kooperasyon sa negosyo, ekonomya at politika.

Kaibigan ng Vietnam ang Russia pero hindi ito lumalapit para humingi ng tulong sa awayan nila ng China sa SCS.

Ayaw ng Hanoi na isangkot sa problema niya ang Russia at iba pang bansa sa “sariling problema” sa agawan sa teritoryo ng dagat sa SCS.

Ayaw ng Vietnam na umigting ang away nila ng China, pagkat alam nito, sa ngayon, isa itong super power, at mahirap na maggiyera lalo na at magkadikit ang border nila.

Gaano na ba na lusubin sila ng mga sundalong Chinese!

Ayaw nang maulit ng Vietnam ang bakbakan nila noong 1980 at 1988 sa kanilang border.

Kaya nga nang bumisita kamakailan si PBBM sa Hanoi para sa Philippine-Vietnam maritime cooperation, hindi ito gaanong pinansin ng mga lider Vietnamese.

Ang Pilipinas, hayagan ang panawagan at paghingi ng tulong sa Australia, Germany, Canada, at ngayon Abril, magmimiting sina PBBM, US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida para pag-usapan ang tensiyon sa WPS at pagtutulungan sa negosyo, investment at iba pa.

Sa nonaligned foreign policy ng Vietnam, iniwasan nito na magtayo ng puwersa militar sa lupa niya ang US, ito kasi ay magpapatindi ng tensiyon, lalo na at ngayon, ang US ang itinuturing na kaaway sa larangan ng ekonomya, siyensiya, space program at sa pagpapalakas ng armas nuklear.

Okay lang sa Vietnam na magpagala-gala ang mga barkong dayuhan sa SCS para kahit paano, mapigil o mabawasan ang pambabarako ng China.

Pero iniiwasan ng Vietman na pakikibagkaibigan niya sa ibang bansa ay maging dahilan ng matinding “selos” ng China upang maging dahilan na pagsiklab ng giyera dahil lamang sa tensiyon sa SCS.

Sa halip, nakikipagkarera ang Vietnam sa pagtatayo ng mga kongkretong instalasyong naval at militar sa China.

Sa halip na makipagbardagulan ang mga opisyal militar ng Vietnam, pinagbubuti ang pagpapalakas ng depensa militar at naval, at hanggang makakaya, hinahayaan lang ang China sa ginagawa nito sa South China Sea.

Sa paniniwala ng mga lider ng Vietnam, hindi gaanong mahalaga ang survival nila sa kanilang maritime disputes sa China.

Nagkaroon ng ilang insidente ng girian, harangan ng mga barko nila sa SCS, pero agad na inaayos upang hindi na tumindi pa, at ito ay dahil na rin, walang ibang bansa na nagpapaapoy sa kanilang gitgitan sa pag-angkin ng mga bahura sa territoryong iyon sa dagat.

Dahil nagagawa nilang mag-usap nang walang ibang bansang nakikialam, walang gaanong gulo sa kanilang dispute sa kani-kanilang maritime claims.

Kaalitan din ng China sa SCS ang Indonesia, Malaysia at Brunei, at ang Taiwan, pero hindi kasing init na tulad ng nangyayari ngayon sa Pilipinas — na sa mga huling salita ni PBBM, na aniya ay tatapatan ng Pilipinas ang anomang aksiyon ng China, at ang madalas na pakikipag-usap sa Washington tungkol sa paggiit na agad na ipatupad ang Mutual Defense Treaty sa US kung sakaling sumiklab ang bakbakan.

Hindi naman nagpapasindak ang China at sinabi, handa itong ipagtanggol ang teritoryo sa SCS na sa madalas na pahayag ng embahada nito sa Pilipinas ay sinasabi: “Teritoryo namin ang buong South China Sea.”

Na ito ay iginaganti natin ng pâgsasabing “West Philippine Sea is ours!”

Ngunit, sandali: kinikilala ba ng mundo ang tawag nating WPS sa SCS: ang pangalang West Philippine Sea ba ay opisyal na nakarehistro sa mapa ng Pilipinas; naitala na ba ito sa mga dokumento ng UN, at sa mga opisyal ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS)?

Nakasulat ba sa ating Constitution ang pag-angkin natin sa West Philippine Sea; at mayroon bang batas tayo na pinagtibay ng Senado at House na patunay na atin nga, ang WPS?

Sa ating mga kongresista, mga senador, mga opisyal militar, ano ang mga pruweba sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na atin nga, tunay na atin nga ang pinag-aagawang SCS?

Marahil, ito ay masusing siyasatin sa mga pagdinig sa Kongreso upang masigurado natin ang ating batayan sa pag-angkin sa SCS o WPS.

Panay na ang tambol sa panawagang ipagtanggol ang Pilipinas laban sa China, at tama ito, pero mas mabuting maunawaan natin ang ipinaglalaban at nakasandig tayo sa katotohanan at hindi lamang propaganda ng mga taong may interes sa kayamanang mineral na nasa ilalim ng SCS.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.