Advertisers
SANG-AYON kami sa mungkahi ng Bise Presidente Leni Robredo na magkaroon ng isang masusing paglalagom sa istratehiya sa pagharap sa pandemiko na dala ng Covid-19. Panahon na upang rebisahin ang istratehiya sa pagsugpo sa pandemiko, ayon sa Pangalawang Pangulo sa panayam kahapon ni Ely Saludar sa estasyong dzXL ng Radio Mindanao Network.
Marapat lamang na malaman kung saan nagkamali, ani Leni. Dapat alamin ang dahilan na sa isinagawang mga hakbang tulad ng lockdown at labis na laki ng gastos ay patuloy na dumarami ang nagkakasakit. Halos 100,000 na naitalang nagkasakit ngunit walang makitang liwanag kung kailan magwawakas ang pandemiko, aniya. Hindi tumitigil ang pagdami ng nagkakasakit, aniya.
Lubhang nababahala ang medical community ng bansa dahil maraming doktor, nars, at iba pang manggagawang medikal ang nagkakasakit. Humihingi sila ng timeout, ngunit tila hindi handa ang pamahalaan ni Duterte. Kinutya pa sila ni Cynthia Villar at pinayuhan na “maalab” na gampanan ang kanilang tungkulin kahit na nangangamatay na sila.
Mas maigi siguro kung pangungunahan ng Bise Presidente ang paglalagom. Kanyang ipatawag ang mga lider ng iba’t-ibang samahan at asosasyon ng mga manggagawang medikal sa kanyang tanggapan at kausapin. Hindi niya trabaho ito at wala siyang poder sa ganitong gawain, ngunit sa panahon ng pandemiko kailangan niyang gawin ito.
Bagaman makakapagbigay lamang siya ng mga suhestiyon at rekomendasyon – at maaaring ibabasura lamang ang mga ito ng tila bangag na si Duterte, pinakamaganda pa rin na gumawa ang kanyang tanggapan ng mga paglalagom, o assessment. Bahagi ang Bise Presidente ng solusyon at hindi ng problema. “For the record,” ang tawag diyan.
Hindi rin kami sang-ayon sa istratehiya ni Duterte na umasa lamang sa bakuna na manggagaling sa China. Hindi kami bilib o kumporme sa kanyang paniniwala na kapag binigyan ang mga Filipino ng bakuna, babalik ang lahat sa normal. Katwiran ito ng barbero – katwirang pabalbal na kung hindi itim, ang kulay ay puti.
***
KASAMA kami sa nabahala nang mabasa namin ang tweet ni Jay Khonghun, ang bise gobernador ng Zambales. Aniya: “Never use gasoline or kerosene to disinfect face mask, or face shield … May gumawa na, nasa ospital ngayon for treatment.”
Hindi namin alam kung ano ang pumasok sa kukote ng tila nababaliw na lider at iginiit na mabisa ang gasolina o diesel bilang disinfectant ng face mask. Una, hindi dapat sineseryoso si Duterte sa kanyang mga pahayag. Lubhang iresponsable sa mga salitang lumalabas sa kanyang bibig. Mukhang may dementia na, o nag-uulyanin na katulad ng aking tatay sa Romblon na nagdaos ng ika-90 taong gulang kamakailan lamang.
Pangalawa, hindi pinatunayan ng siyensiya na mabisa ang gasolina o diesel bilang disinfectant. Tama si Herminio Roque (ito ang tunay niyang pangalan) na nagpapatawa lamang si Duterte. Alam ni Roque na hindi totoo ang sinabi ni Duterte, ngunit natahimik na rin siya ng soplahin siya ni Duterte sa publiko. Pinangatawanan ni Duterte ang kanyang sinabi.
***
MAY nagbalita sa amin na “on the way out” na si Francisco Duque III. Batayan: hindi na siya pinagsasalita ni Duterte sa anumang pulong sa Malacañang. Pilit na siyang isinasantabi.
Hindi na siya mahalaga; wala na siyang silbi. Mukhang nabisto na wala na siyang itutulong pa. Nasagad na ang gamit sa kanya. Ang pinakamalupit na katwiran: kumita na siya at kailangan pagbigyan ang susunod.
Hindi malaman kung sino ang papalit kay Duque bilang kalihim ng DoH. Ito ang mahirap sa gabinete ni Duterte: masyadong mababaw ang bench. Mahirap palitan ang sinumang aalisin kasi wala naman paghuhugutan.
***
KAHANGA-HANGA ang lakas ng loob ng pamunuan ng estasyong ABS-CBN na ilipat ang kanilang mga palatuntunan sa digital platform. Mapapanood na ngayon sa Internet ang kanilang mga popular na program katulad ng “Ang Probinsiyano.”
May mga ilang kaluluwa na nagpahayag ng kanilang pagkabahala sapagkat iba ang digital platform. Hindi maayos ang signal sa malaking bahagi ng bansa. Totoo iyan at isa iyan sa maraming bagay na dapat harapin ng estasyon. Mahirap umasa sa serbisyo ng dalawang telco – Globe Telecom at PLDT Group.
Ngunit sanay ang ABS-CBN sa paglipat ng medium. Noong kalagitnaan ng dekada sisenta, inilipat ng ABS-CBN ang kanilang mga tanyag na programa sa radyo sa telebisyon. Inilipat ang mga programang “Tang-Tarang-Tang,” “Buhay Artista,” at “Tawag ng Tanghalan” sa telebisyon. Kakaunti lamang ang kabahayan na may TV set.
Maraming ama ng tahanan ang bumili ng TV set para sa kanilang pamilya. Kahit mahal pa noon ang presyo ng TV, pinagtiyagaan nilang bumili – at ang iba ay hulugan pa. Kasaysayan ang magsasabi na tama ang pamunuan ng ABS-CBN sa kanilang desisyon sa paglipat.
Ngayon pa lamang, aming sinasabi na tama ang pamilya Lopez sa kanilang desisyon. Bakit nga naman luluhod ang mga Lopez sa mga arogante na mambabatas at manunuhol ng daang milyones para lamang sa pagpapalawig ng prangkisa ng higanteng estasyon? Manigas sila.
***
MUKHANG mga pulitiko at manggagawang medikal ang tinatamaan ng pandemiko. Nabasa namin kahapon sa pahayagan na tinamaan ng Covid-19 si Rep. Hajiv Hataman ng Basilan at ang kanyang maybahay, Sitti Djala. Kahapon, iniulat ni Mark Leviste, bise gobernador ng Batangas, na positibo siya sa virus.
Marami rin mga doktor, nars, medical technologist, lab technician, elderly, at mga ordinaryong manggagawa sa ospital at iba pang institusyong medikal ang nagpositibo ng virus. Nauunawaan namin ang kanilang pagkakasakit dahil mga frontliner sila. Ipagdasal natin sila.
***
MGA PILING SALITA: “Cynthia Villar lacks compassion. She doesn’t know compassion leads to empathy. She has low emotional intelligence, or EQ. Much lower than the average Filipino’s. That’s why many people perceive her as ‘matapobre,’ or one who looks down on the poor. Pity this country.” – PL, netizen
“VP Leni Robredo must work to ensure our people’s access to these vaccines if they’re proven effective. Duterte et al are so focused on China’s vaccine, as if only China can provide. Forget Duterte. Leni should work overtime; her office could be taken seriously but not Duterte’s.” – Patricia de Leon, netizen
PAHAYAG: The Archdiocese of Manila will suspend all public religious activities from Aug. 3 to 14, in response to the call of health workers to place Metro Manila under ECQ.”
***
(Email:bootsfra@yahoo.com)