Advertisers
TINITIYAK ng Cagayan de Oro Bulk Water Inc. (COBI) ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng mahahalagang serbisyo at pagpapanatili sa mataas na kalidad ng tubig bilang ambag para sa mga residente ng Cagayan De Oro City.
Bunsod nito ay pinaalalahanan ng COBI ang Cagayan de Oro City Water District (COWD) na unahin ang kanilang pagbabayad ng mga buwanang invoice at pagsunod sa mga obligasyon bilang kontraktuwal sa interes na mapanatili ang pagkakaloob ng malinis na tubig para sa kapakanan ng mga residente at mga nagnenegosyo sa Cagayan de Oro City.
Ang paalala ng COBI ay isang indikasyon ng matinding pagkabahala dahil laging naantala at tila winawalang-bahala ang obligasyon ng COWD bilang cooperative partnership para sa serbisyong pagkakaloob ng malinis o safe and reliable water sa kanilang lungsod.
Ang COBI, na siyang main supplier ng treated water sa COWD, ay nag-imporma sa Cagayan de Oro City Government hinggil sa unpaid water bills na P430 milyon ng COWD at ito ay ikalawang disconnection notice na.
Bunsod nito, si Cagayan de Oro City Mayor Rolando Uy ay bumuo ng task force, na pamumunuan ni Councilor Edgar Cabanlas, para imbestigahan ang transaction sa pagitan ng COBI at COWD, na aniya ay kailangan nang mamagitan dahil apektado na ang libong residente dahil sa epekto ng krisis sa tubig.
Ang COBI, na siyang primary water distribution firm sa Cagayan de Oro, ay naitatag August 14, 2017 at joint venture sa pagitan ng Metro Pacific Water na pag-aari ng negosyanteng si Manny Pangilinan at ang COWD; na ang Metro Pacific Water ang nanghahawak sa 95% equity at ang COWD naman ang naghahawak sa natitirang 5% na ito rin ang responsable sa distribution at supply ng tubig para sa siyudad.
Nanggagaling ang bulk water supply ng COBI sa Rio Verde na kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Pepito Alvarez na nag-ooperate ng water treatment facility sa kalapit na Baungon, Bukidnon. Ang pasilidad ay may kapasidad sa pagproseso at pag-supply ng 100 million liters na tubig kada araw.
Nitong huling linggo ng Pebrero ay nawalan ng tubig ang mga residente dahil pinutol ng COWD ang water supply sa 26 barangays sa lungsod hinggil sa umano’y pag-aayos sa mga broken pipe distribution system.
Bunsod nito, naging abala ang firetrucks at water tanks mula sa city hall, Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang private company para sa pagkakaloob ng tubig sa mga apektadong lugar. Naibalik lamang ang water supply sa malaking bahagi ng Cagayan de Oro nitong March 4 ng taon.