Advertisers

Advertisers

‘Surot’ sa airport kapabayaan ng MIAA

0 12

Advertisers

KUNG wala pang mga nagreklamong pasahero na namantal ang balat sa kagat ng “surot” ay hindi pa maglilinis ng peste ang Manila International Airport Authority (MIAA).

Oo! Pinaalis na raw ni MIAA General Manager Eric Ines ang mga upuang ratan na pinamahayan ng surot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at 3, matapos ulanin ng batikos ng netizens nang mabasa ang post ng mga pasaherong nakaranas ng pamamantal ng balat makaraang maupo sa naturang mga upuan.

Simple lang naman ang problemang ito. Hindi pamamahayan ng surot ang mga upuan kung merong regular na pag-spray laban sa mga peste sa paliparan. Kaso wala eh… puros kasi pagkakaperahan ang nasa kukute ng mga namamahala sa paliparan.



Sa ibang bansa, ang opisyal na naiisyuhan ng kapabayaan sa kanyang tungkulin ay kaagad nagbibitiw para hindi na makadamay pa ng iba. Maisip kaya ito ni GM Ines?

Maaring isipin mo na maliit na bagay lang ito para pagbitiwin natin sa kanyang posisyon si Ines, pero nakaka-INES, napakalaking kahihiyan sa madla na pati mga upuan sa ating international airport ay pinamahayan ng mga peste. Tinagurian na ngang pinaka-worst sa buong mundo ang paliparan ng Pilipinas, nadagdagan pa ng surot! Animal!!!

Magbitiw ka nalang Ines! para hindi na umabot kay Pangulong “Bongbong” Marcos ang isyung ito ng kapabayaan, at bago ka pa ipasipa ni First Lady Liza dyan. Layas na!!!

***

Tama lang na ipagbawal ang mga tricycle at e-bike sa mga pangunaing lansangan sa Metro Manila.



At tama lang din i-required ng driver’s license ang mga e-bike driver para magkaroon ng pananagutan sa batas kapag nakaaksidente.

Napakadelikado kasi sa mga sasakyang ito ang makipagsabayan sa malalaking sasakyan sa main roads, takaw aksidente sila. Kawawa ang mga pasahero nila kapag nabangga ng 4-wheels lalo ng mga truck, pisak!

Actually, sa Maynila ay matagal nang may City Ordinance na nagbabawal sa mga tricycle sa major roads kaso sa simula lang pinairal, nang tumagal ay wala na. Hopely hindi ito mangyari sa pinagkasunduang regulasyon ng Metro Manila Council ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipinasa nitong Huwebes at magkakabisa simula sa Abril.

Hindi lang e-bikes at tricycle ang sakop ng naturang kautusan ng MMDA kundi pati ang “kuliglig” at pushcarts ay ban sa mga pangunahing daan sa Kamaynilaan tulad ng Recto Avenue, President Quirino Avenue, Araneta Avenue, EDSA, Katipunan/CP Garcia, Southeast Metro Manila Expressway, Roxas Boulevard, Taft Avenue, SLEX, Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Magsaysay/Aurora Blvds., Quezon Avenue/Commonwealth Avenue, Andres Bonifacio Avenue, Rizal Avenue, Delpan/Marcos highway/McArthur highway, Elliptical Road, Mindanao Avenue, at Marcos Highway.

Again, our dearest pedicab, e-bike, kuliglig, tricycle drivers, simula sa Abril huwag n’yo nang tangkain dumaan sa main roads, magmumulta kayo ng P2,500 ‘pag nahuli. Sa mga looban lang kayo puwede dumaan. Masakit ito para sa inyo, pero dapat sumunod sa regulasyon para sa kaayusan ng lahat. Okey? God bless sa ating lahat…