Advertisers
LUBOG na nga sa baha ang kalakhang Region 2 ay sige parin ang pambubuska nitong demonyong “trolls” sa social media.
Inuupakan ng mga peste ang kampo ng oposisyon na buwis-buhay na nga sa pagbibigay ng tulong at ayuda sa mga apektado ng malawakang pagbaha na may kasamang putik dulot ng nagdaang bagyong Ulysses sa Region 2.
Ang katotohanan, mga suki, todo trabaho simula pa nung Bi-yernes na kasagsagan ng pagbaha ang mga local/national government at NGOs. Tulung-tulong sila sa pag-rescue at pagbibigay ng maiinom at makakain sa mga naipit ng malawakang pagbaha na ngayon lang yata nangyari na tila naging “Pacific Ocean” ang Region 2 partikular ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya.
Ang pag-atake ng trolls, na siguradong mula sa kampo ng Marcos at Duterte, sa oposisyon ay dahil sa naunang nanawagan ng rescue at pamamahagi ng relief goods ang Office of the Vice President (OVP) ni Leni Robredo.
Nagkataon naman kasing si Pangulong Rody Duterte ay nakasalang sa isang international summit kaya hindi kaagad ito nakapag-ikot, pero nandun naman lahat ng ahensiya ng pamahalaan para sa pag-rescue at pamamahagi ng relief goods.
Sa panahon ng kalamidad, hindi dapat pinapakawalan itong trolls. Nakakadagdag stress ang mga pesteng ito eh. Ang dapat nating gawin ay manawagan nang mawagan ng tulong at kung may personal na maitulong, GO!
Oo! Kalimutan ang politika sa panahon ng kalamidad, magtulungan muna tayo. May panahon para sa politika. Okey? God bless sa ating lahat. Keep safe!
***
Na-monitor ko nitong Linggo ng umaga na nasa Region 2 na si DPWH Sec. Mark Villar para pangasiwaan ang rescue operations at pag-alis sa mga bara sa highways na may landslides. Patuloy parin daw kasi ang pagbaba ng tubig mula sa kabundukan ng rehiyon na sinira ng grabeng illegal logging, quarry at mining.
Ayon kay Sec. Villar, nasa P1.6 billion na ang halaga ng mga winasak ng bagyong Ulysses sa Region 2 lamang. Sa buong bansa ay umabot na raw ng P8 billion.
Keep it up, Sec. Villar!
***
Pinupuri natin itong OVP ni Robredo na talaga namang mula Rizal, Marikina, Bulacan, CamSur/Norte hanggang Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya ay non stop sa kanilang relief operations simula pa sa bagyong Rolly at Ulysses.
Keep it up, Vice! Saan ka ba kumukuha ng pondo para rito? Hehe…
Lilinawin lang natin dito sa trolls na nambubuska naman sa mga Senador.
Huwag na nating hanapan ng relief operations ang ating mga mambabatas. Dahil ang pondong ipinamamahagi ng DSWD sa mga biktima ng kalamidad ay sila ang nag-apruba. Kung personal man silang tumulong sa pamamahagi ng relief goods at materyales sa pagpagawa ng mga nawasak na bahay ay initiative na nila yun.
Tulad ni Sen. Grace Poe, namimigay siya ng relief goods, ito’y kusa niya, mula sa kanyang income at tulong ng private sectors na ipinadaan sa kanyang tanggapan. Ganun yun, mga pare’t mare.
Again sa panahon ng kalamidad, tayo’y tumulong kahit panawagan manlang sa social media, hindi ang mambuwisit sa mga tumutulong. Okey?
***
Inanunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque na iligal ang ONLINE SABONG. Pinapa-operate na raw ito ni PAGCOR Chair Andrea Domingo sa Cyber Crime ng NBI.
Ang online sabong sa Pampanga ay sa hotel ni Pineda sa Clark ginagawa? Ang tawag nila rito ay ‘Sabong Express’.
NBI Cyber crieme, sugod!