2-day ‘Mega Job Fair inanunsyo ni Mayor Honey
Advertisers
MAGANDANG balita sa lahat ng residente ng Maynila na naghahanap ng trabaho.
Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng Maynila, sa pamamagitan ng public employment service office (PESO) sa pamumuno ni Fernan Bermejo, ng dalawang-araw na ‘Mega Job Fair’.
Ang nasabing job fair ay gagawin sa Robinson’s Manila, Level 1, Midtown Atrium sa February 23 hanggang 24, 2024, Biyernes hanggang Sabado.
Libo-libong trabaho ang naghihintay sa mga interesado at ito ay gagawin mula alas-dose ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi sa nasabi ring petsa.
Nabatid na isasagawa ng PESO ang job fair sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment – National Capital Region at ng DOLE-NCR Manila Field Office.
Pinayuhan ni Lacuna ang lahat ng interesado na magsuot ng casual attire, magdala ng sariling ballpens , 10 kopya ng resume at sumunod sa basic health protocols.
Ibinilin din ni Lacuna na sa mga applicants na iwasan ang magpunta sa job fair ng walang laman ang tiyan upang matiyak na masasagot nila ng tama ang interview.
Ang job fair ay bukas sa high school graduates, college level, college at tech/voc graduates. (ANDI GARCIA)