Advertisers
NAARESTO ang isang grupo ng mga mandurukot sa entrapment operation ng mga tauhan ng barangay Palanan at Makati City Police noong Sabado
Ayon sa deputy executive officer ng Barangay Palanan, inilunsad nila ang operasyon nang humingi ng tulong ang isang pasahero ng jeep na biktima ng “laglag-barya” at nadukutan ng cellphone sa kanilang nasasakupan 9:00 ng gabi ng Sabado.Nabitag at nadakip ang dalawa sa mga suspek.
Samantala, habang hinihintay ang pagdating ng mga pulis, tinangka pa ng dalawa na suhulan ang barangay at complainant para hindi na magsampa ng reklamo laban sa kanila.
Hindi nagtagal, dumating ang dalawang babae sa barangay na may dalang P20,000 at pilit iniaalok sa barangay kapalit ng kalayaan ng dalawang nahuli nilang kasamahan.
Hindi alam ng dalawang babae na nakarekord ang kanilang usapan at nagulat ang mga ito nang pumasok sa tanggapan ang mga pulis at inaresto ang dalawang babae kasama na ang dalawang lalaking mandurukot.
Nakakulong ngayon sa himpilan ng pulisya ang apat na nahaharap sa mga kaukulang kaso.