Advertisers
LIMANG miyembro ng Airport Police Department ang sinampahan ngayon ng reklamo ng isang chinese national dahil sa umano’y ‘pangingikil’ sa huli matapos na ihatid nito ang kanyang kaibigan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 , Pasay City.
Batay sa ulat ng PNP- Aviation Security Group, reklamong robbery extortion ang kanilang inihain sa Pasay Prosecutors Office laban sa sinasabing limang miyembro ng APD matapos makunan ng salaysay ang hindi pinangalanang biktima na chinese national.
Sa salaysay ng biktima, ang insidente ay naganap alas-6 ng gabi noong Linggo ( February 4,2024) sa departure area ng terminal 3.
Maghahatid lang sana ang biktima ng kanyang kaibigan na isa ding chinese nang lapitan sila at sitahin ng mga suspek.
Aniya, hinanapan siya ng passport ng mga nagpakilalang pulis pero nangatuwiran ang una dahil hindi naman siya ang aalis kundi maghahatid lamang ng kaibigang pasahero. Ipinakita na lang ng biktima ang kopya ng kanyang passport mula sa kanyang cellphone.
Sa kabila nito, dinala ang biktima ng mga suspek sa ikaapat na palapag ng terminal 3 at doon ay gumamit umano ng translator app ang huli para sabihan ang una na makukulong ito kung hindi magbibigay ng 15 libong piso para makalabas sa airport.
Sa takot umano ng biktima sa sinabi ng mga tauhan ng APD, napilitan umano itong magbigay ng 15 libong piso. Hindi naman nagdalawang isip ang biktima na humingi ng saklolo sa pulisya at magreklamo.
Ayon kay PNP-AvSeGroup NAIA 3 Chief PLtCol Alfred Lim, matapos makarating sa kanila ang reklamo ay pinuntahan agad nila amg tanggapan ng APD pero hindi na mahagilap ang mga isinasangkot kaya nauwi sa regular filing ang kanilang pagsasampa ng reklamo sa piskalya.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) at APD-IID para makatulong sa imbestigasyon.
Hiniling din ng PNP-AvSeGroup ang pagkakaloob ng kuha ng mga CCTV footages na maaaring magamit sa ikalulutas ng reklamong isinampa ng chinese national laban sa mga suspek. (JOJO SADIWA /JERRY TAN)