Advertisers
NAIS ni Senator Christopher “Bong” Go na i-regulate ang local fair industry o ang tinatawag na mga perya upang matigil ang panghaharas o pangingikil na ginagawa ng mga awtoridad at ilang indibidwal sa mga operator at manggagawa nito.
Sa isang pampublikong pagdinig na isinagawa ng Senate committee on public order and dangerous drugs, tinugunan ni Go ang mga isyung nakapaligid sa mga perya, lalo sa sinasabing panggigipit sa mga may-ari at manggagawa.
Ang pagdinig, pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ay layong bigyang linaw ang isyu at talakayin ang mga potensyal na hakbang sa regulasyon upang maprotektahan din ang industriya mula sa mga iligal na aktibidad.
Layon ng komite sa pagdinig na kilalanin ang kultural na halaga at kakayahan ng perya sa lipunang Pilipino.
“Alam n’yo bata pa ako, ang naaalala ko talaga sa peryahan ‘yung rides… ‘yung mga ferris wheel, kahit ‘yung kinakalawang na… sa totoo lang. Minsan natatakot tayong sumakay dahil may mga kalawang na,” ani Go.
Binigyang-diin niya na ang perya, tulad ng jeepney, ay integral sa pagkakakilanlan ng bansa.
Ngunit nag-aalala si Go sa ulat na pagkakaroon ng sugal sa mga perya. Habang ang perya aniya ay tradisyonal na nauugnay sa amusement at entertainment, ang pagkakaroon ng sugal ay hindi dapat palampasin.
“All the while, akala ko talaga ‘yung perya purely laro lang talaga, amusement. (Pero) mayroon palang sugal. So mayroong involved na pera. May kumikita, may sugal,” ani Go.
Tinanong ni Go kung nakikinabang ang mga pamahalaang lokal o probinsyal sa mga kita, sinabi ni Evelyn Mendoza, presidente ng PIPA o Perya Industry of the Philippines Association, na ang industriya ay nag-aambag ng kita sa pamamagitan ng pagkuha ng mga permit at pagbibigay ng donasyon.
Sumulat ang PIPA noong nakaraang taon kay Sen. Dela Rosa at inireklamo ang nararanasan ng industriya na panggigipit ng law enforcement agencies sa mga operator at manggagawa ng perya.
Sa isang apela, nais ni Go na matiyak na ang industriya ng perya ay gumagana nang walang pagsasamantala o hindi patas na gawain. Gayunpaman, ang pagsusugal sa mga perya ay nangangailangan ng pagsisiyasat at mga hakbang sa regulasyon.
Nababahala ang senador sa pagkalantad ng mga menor de edad sa mga iligal na aktibidad sa mga perya dahil sa kakulangan ng tamang regulasyon.
Binigyang-diin din niya na dapat protektahan ang mga manggagawa ng industriya na karamihan ay mahihirap at umaasa sa pang-araw-araw na kabuhayan.