Advertisers
NABATID na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang concerns ng medical community at inatasan na nito ang Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) na tugunan agad ang nasabing apela ng mga medical practitioners.
Matatandaang nananawagan ang Philippine College of Physicians na kahit dalawang linggo lang ilagay uli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila para mabigyan ang mga health workers ng pagkakataong makapahinga at bumawi sa matinding kapaguran na sa walang tigil na admission ng COVID-19 patients sa mga ospital.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, itinuturing ng Malakanyang ang mga skilled, walang kapaguran at dedicated healthcare workers na mahalagang frontliners sa paglaban ng COVID-19.
Sinabi pa ni Sec. Roque, labis silang nagpapasalamat sa matinding kontribusyon ng mga medical workers sa pagpapagaling ng ating mga mamamayan at sa ating bansa ngayong napakahirap na sitwasyon.
Kaya makakaasa umano ang mga medical workers na pinakikinggan ang kanilang boses at hindi pababayaan ang ating mga “modern heroes.”
Kaugnay nito, kinumpirma ni Sec. Roque na muling tatalakayin sa IATF meeting ang apela at rekomendasyon ng medical community para ibalik sa ECQ ang Metro Manila sa loob ng dalawang linggo.