Advertisers

Advertisers

AWAYAN NG GOVERNMENT AT VOLUNTEER FIREFIGHTERS, LIPAS NA

0 243

Advertisers

Napakaganda na pala ng relasyon ngayon ng mga bumbero mula sa gobyerno at volunteers.

Kitang-kita ito sa pagdalo kelan lamang nina Bureau of Fire Protection-Manila Fire Marshall Senior Superintendent Christine Doctor-Cula at Gerik Chua, co-founder naman ng TXTFIRE Philippines na siyang pinakamalaking organisasyon ng fire volunteers sa bansa, sa ginanap na ‘MACHRA’s Balitaan’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant, kung saan tinalakay nila ang iba’t-ibang aspeto ng sunog gaya ng kung paano ito maiiwasan at ano ang mga dapat at hindi dapat na gawin bago, habang at matapos ang isang sunog.

Kapwa sila nanawagan sa publiko na gamitin sa tama ang kanilang mga cellphone sa panahon ng sunog. Imbes na unahin ang pagpo-post sa social media, mas maigi umano na tawagan ang 911 at 09853999118 (BFP) at ang TXTFire naman, sa numerong 0918688888 (text only) at 09225611111.



Mariin naman ang panawagan ni Supt. Cula na iwasan sana ang panghaharass sa mga bumbero at pang-aagaw ng mga hose, gayundin ang pagsira ng mga fire hydrants dahil nakakabawas lamang ito sa pressure na kailangan ng mga bumbero.

Nalulungkot na sinabi ni Cula na may insidente pa na kung saan kinailangan nilang humingi ng tulong sa pulisya dahil sa harassment ng kanilang mga bumbero, para lamang magampanan nila ang trabaho nilang tumulong sa kasagsagan ng sunog.

Sa panig naman ni Chua, sinabi nitong dapat iwasan ang kadalasang ginagawa ng mga nasusunugan na iiwan lamang sa gitna ng kalsada ang kanilang mga kagamitan, dahilan para mahirapang rumesponde ang mga bumbero bukod pa sa walang maparadahan ang mga firetruck mismo.

Sinabi nina Supt. Cula at Chua sa MACHRA forum na pareho pala sila na bukod sa pag-apula ng apoy ay tumutulong din sa publiko sa iba’t-ibang paraan at kakayanan.

Marami silang aktibidad ng pagtulong na wala nang kinalaman sa sunog gaya ng pagtulong sa mga naaaksidente sa kalsada at iba pang emergency situations.



Sa kaso ng TXTFire Philippines, regular silang nagsasagawa ng blood donation drives at ayon kay Supt. Cula, aktibo silang nalahok dito dahil maganda naman ang layunin.

Ang mga kinikita ng Chuan Kee restaurant na personal na pag-aari ng pamilya ni Chua ay nariyan para magbigay ng tulong pinansiyal sa mga volunteer firefighters na nasasawi o nasusugatan sa pagtulong sa sunog.

Itinatag ang nasabing negosyo para lamang makatulong sa kanilang mga miyembro na nadidisgrasya nang dahil sa pagtulong nang walang kabayaran.

Binigyang-pagkilala ni Cula ang kabayanihan ng mga fire volunteers na aniya ay tumutulong sa gobyerno at publiko nang walang kapalit na anuman.

Sa kanyang banda, pinuri naman ni Chua ang mga government firefighters sa pagkakaroon ng magandang relasyon sa kanila, dahil iisa lamang umano ang kanilang kalaban at yan ay walang iba kungdi ang sunog.

Anila, lipas na ang panahon kung saan nagkakaroon ng iringan ang magkabilang panig dahil ngayon ay kapit-kamay silang tumutulong sa mga nasusunugan.

Hindi na ngayon pinagtatalunan pa kung sino ang unang dumating sa fire scene, dahil ang mga fire volunteers ay mayroon nang sertipikasyon mula sa BFP na sila ay dumaan sa tamang pagsasanay bago sila mapahintulutang rumesponde sa sunog.

Sa pagkakaisa, walang imposible.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.