Advertisers

Advertisers

MALVAR TOP COP KAPIT-TUKO SA PUWESTO!

0 2,738

Advertisers

ANG dating simple at tahimik na pamayanan ng Malvar sa lalawigan ni Batangas Governor Hermilando “Dodo” I. Mandanas ay hindi kataka-takang maging “Haven for Criminal” sa kalaunan kung patuloy na nagbubulag-bulagan si Police Chief Captain Nemecio Calipjo Jr. sa lantarang vice operation at iba pang uri ng kriminalidad sa kanyang area of responsibility (AOR).

Ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) con jueteng o bookies, pergalan (perya na pulos sugalan), sakla, puesto pijo o permanenteng sugalan, paihi, patulo, paawas, pasingaw o buriki, tupada, at iba pang uri ng iligal na sugal ay parang kabuteng nagkalat na ang mga operator ay may pasingit na drug trafficking kaya lumalabas na prente ng bentahan ng shabu.

Hindi lamang front ng kalakalan ng droga ang mga nagkalat na gambling den sa bayan ng Malvar, kundi malinaw na ginagawa ding pugad ng prostitusyon tulad ng nagaganap sa ala mini-casino na puesto pijo o permanenteng pasugalan ng isang alyas Glenda sa Brgy. Santiago. Ang mga tauhan ng naturang gambling maintainer (alyas Glenda) ay nagsisilbi ding bugaw ng mga kabataan na nagbebenta ng aliw sa mga suking sugarol.



Ang mga dalaginding na nagbuhat sa mga liblib na lalawigan ng Quezon at Bicol ang ibinubulid ni alyas Glenda at ng mga tauhan nito sa kamay ng mga parokyanong kalimitan ay mga lolo na sabik sa murang laman.

Hindi kapani-paniwalang hindi ito alam nina Capt. Calipjo Jr. na mayroong sugalang may shabuhan at putahan sa bakanteng loteng katabi lamang ng CP Reyes Satellite Clinic sa Brgy. Santiago, pagkat halos ay 24/7 o bente cuatro oras ang pagpapasugal doon habang mahigpit na natatanuran ng unipormadong pulis ng Malvar at ilang barangay tanod.

Buklod sa puesto pijo o permanenteng sugalang ito sa nasabing barangay na ilang metro lamang ang layo sa Malvar Community Police Precinct ay may katulad din nitong pasugalan si alyas Glenda sa Brgy. Pinagtong-olan sa siyudad ni Lipa City Eric Africa.

Hindi maitatatwa ang kaliwa’t-kanang kriminalidad na nagaganap sa nasabing bayan na ang itinuturong dahilan ay ang di mahinto-hintong pamamayagpag ng iligal na sugal at droga dahil hindi kumikilos at tila natutulog sa pansitan si Capt. Calipjo Jr. at ang buong pwersa ng kapulisan ng bayan ng Malvar.

Katunayan na talamak ang kriminalidad sa Malvar ay ang araw-araw na patupada ng isang alyas Gen. Abo Gago sa Brgy. Bagong Pook, kung saan nagkakapustahan ng daang libo sa mga sultadang ginaganap sa di lisensyadong sabungan doon.



Nag-ooperate naman ng STL con jueteng o bookies ang isang alyas Nestor na nagpapakilalang kapatid ni Mayor Reyes sa Brgy. San Fernando. Sa halip na iremit ang kubransa nito sa opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay sa jueteng inilalaban ang daang libong taya na ibinabatay ang tumatamang kumbinasyon sa tumatama sa pagbobola ng taya sa Batangas Enhanced Technology System Inc. (BETSI).

May paihian o burikian naman sina Ed at Rico sa Brgy. Bulihan sa nasab ding bayan kung saan ang mga tanker at capsule truck ng mga walang kamalay-malay na gasoline operator ay pinagnanakawan ng kanilang mga driver sa pakikipag kutsabahan sa grupo ng naturang mga ilegalista.

Matapos na mapaihi o mapatulo ang kargamentong petrolyo mula sa mga tanker truck ay hinahaluan nina Ed at Rico ng Methanol ang kargamentong gasolina at krudo ng mga tanker para hindi mahalatang nabawasan na ang mga produktong idedeliber sa ibat ibang gasolinahan sa Luzon area.

May mga nag-ooperate ding pergalan sa hurisdiksyon nina Capt. Calipjo Jr. at Mayora Reyes ngunit nakapagtatakang hindi kinakastigo ni Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte ang kanyang Police Chief.

Matagal nang hepe ng pulisya ng Malvar si Capt. Calipjo Jr., ngunit ang hindi maintindihan ay kung bakit hindi gumagalaw para hulihin ang mga may pakana ng gambling at drug pushing na nakakasira hindi lamang sa tatamad-tamad nitong pamunuan kundi sa liderato ng kasalukuyang nakaupong Mayor Cristeta Reyes at Batangas PD Col. Belmonte.

Tamad na opisyal kung ituring ng CALABARZON based anti-vice and crime group itong si Capt. Calipjo Jr., kaya plano ng naturang grupo na hilingin ang pagbibitiw nito (Capt. Calipjo Jr.) bilang Malvar Top Cop. Anila huwag kapit-tuko sa kanyang pwesto-ibigay sa ibang police official ang pagiging hepe ng Malvar kung ayaw magtrabaho.

Sa panuntunan ng Philippine National Police (PNP), ang pinipiling town police chief ay may pinakamababang ranggong major o lieutenant Colonel, kaya nakapagdududa at kwestyunable ang pagkakatalaga kay Calipjo Jr.na isang police captain pa lamang.

Tahimik ngunit demoralisado ang PNP Region 4-A at ang Batangas PNP Provincial Office pagkat di nasusunod ang PNP Chain of Command at pinagdududahang namamayani ang palakasan sa hanay ng kapulisan lalo na sa pagtatalaga ng di kwalipikadong police chief?

Ang palakasan o bata-bata system sa hanay ng PNP ay isa sa napakalaking pagkakamali at nagpabagsak sa administrasyon ng namayapang ex- President Ferdinand Edralin Marcos Sr., ama ng ngayo’y Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sana ang sinapit ng ama ay hindi na maulit pa sa kasaysayan ng liderato ng kaisa-isang anak na lalaki ng diktador na presidente ng bansa. Kaya dapat na maging maagap sa pag- aksyon dito si PNP Chief Benjamin Acorda Jr.

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144