Advertisers
MULING iginiit ni Senador “Bong” Go, chairman ng Senate committee on health and demography, ang panawagan niya sa Health Department at iba pang concerned agencies na unahin ang “poorest of the poor” o ang mas nangangailangan kapag nasimulan na ang coronavirus disease (COVID-19) vaccine program ng pamahalaan.
Ipinaalala ni Go na tiyak na magkakaroon ng mga problema kapag nariyan na ang bakuna sa COVID0-19 kaya dapat aniya na mapaghandaan ang mga posibleng senaryo para masiguro na magiging accessible ito sa mga mas nangangailangan.
“Huwag sana pabayaan ang mga mahihirap. Paghandaan na natin ngayon palang. Magtabi na tayo ng budget para masigurong kakayanin ng gobyerno na matulungan ang mga mahihirap. Magkaroon po tayo ng plano kung saan dapat pantay-pantay at hindi lang ang mga may kaya sa buhay ang makakakuha,” ang giit ni Go.
Sa kanyang pagsasalita sa virtual launch ng pagbubukas ng ika-77 Malasakit Center sa Guimaras, sinabi ng senador na pinag-uusapan na ng health officials at finance managers ang gagawing preparasyon para sa nalalapit na paglabas ng bakuna laban sa COVID-19.
“Nagkausap po kami ni (Finance) Secretary Dominguez kahapon at gagawan na po nila ng paraan. Once available ‘yung vaccine ay handa po ‘yung gobyerno para bumili ng vaccine,”ani Go.
Matatandaan na sa pagsasalita ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong July 31, umapela siya sa publiko na makipagkaisa at magtiwala sa gobyerno dahil inihahanda na ang kinakailangang panuntunan habang inaaral pa ng mga scientist at health expert ang bakuna sa COVID-19.
Ayon sa Pangulo, posibleng makakuha ang Pilipinas ng COVID-19 vaccines mula sa China pero may mga binubusisi ring bakuna mula sa iba pang bansa.
“Ang mauna ‘yung walang-wala… tsaka ‘yung mga nasa hospital… ‘Yung pangalawa, middle income. Libre ito, hindi ko ito ipagbili….” ang paniniyak ni Pangulong Duterte.
Sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na tutulong sa pagbili ng COVID-19 vaccines ang Philippine International Trading Corporation (PITC).
Ipinaliwanag ni Dominguez na nasa 20 million Filipino ang mababakunahan nang libre.
“If one to two shots are needed, that is around 40 million doses and at around $10 per dose, that is $400M or P20 B,” ayon sa finance secretary na nagsabing nagsisimula nang magrekober ang ating ekonomiya noong April at May.