Advertisers
HINILING ni Senadora Cynthia Villar sa Department of Agriculture (DA) na tiyaking magkakaroon ng training component para matiyak na magiging matagumpay ang ‘Plant, Plant, Plant’ program ng gobyerno.
Isinusulong ni Villar, chairperson ng Committee on Agriculture and Food ang home gardening at urban agriculture bilang food security strategy para matiyak na may pagkukunan ng pagkain ang tao sa panahon ng kalamidad o health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Villar, dapat gamitin ng DA ang mahigit 20,000 farm schools sa bansa para sanayin ang mga tao sa tamang paraan ng pagtatanim.
Ang training program tulad ng Agri-crops production, na ginagawa ng Villar SIPAG Farm School tatlong beses kada taon sa pakikipagtulungan ng East West Seeds Foundation, ay makakatulong para magkaroon ng panimulang kaalaman ang mga tao sa pagtatanim ng gulay.
Bago ang pandemya, mahigit 200 katao ang nakilahok sa program. Ang mga sumali ay mga estudyante, senior citizen, young professionals, miyembro ng religious at civic grpups, community leaders at maraming pang iba.
Ang mga lumahok ay sumailalim sa libreng pagsasanay sa pagtatanim sa loob ng tatlong buwan na may 12 sesyon at nagkaroon din ng graduation o pagtatapos at harvest activity o pag-aani.
“We can also do online training in order to cover more ground. We also encourage our agri-crops graduates to start giving online tutorials to family and friends on the basic instructions on home gardening,” sabi ni Villar.
Matatandaang sa State of the Nation Address noong nagdaang Lunes, binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P66 bilyong stimulus package na magpopondo sa the Plant, Plant, Plant program. Layunin ng proyekto na magbigay ng sapat at murang pagkain sa bawat Filipino. (Mylene Alfonso)